Cardong Trumpo, isang kilong bigas lang ang ipinagdasal
Marami na ulit kayang maglaro ng trumpo matapos hirangin bilang Pilipinas Got Talent Season 7 grand winner si Ricardo Cadavero o mas kilala bilang Cardong Trumpo sa enggrandeng finals na ginanap sa The Theater, Solaire Resort sa Parañaque City.
“Ipinagdarasal ko lang na magkasya sa amin ‘yung isang kilong bigas pero sobra-sobrang ‘yung binigay mo, Lord, thank you. At sa inyong lahat, maraming salamat sa suporta,” sabi ni Cardong Trumpo matapos siyang magwagi bilang PGT Season 7 grand winner.
Nakakuha si Cardong Trumpo ng 99.5% mula sa pinagsamang boto ng mga manonood at power judges at naiuwi ang P2 milyon grand prize.
Nasungkit nga niya ang panalo matapos mapabilib ang lahat sa kanyang pagbabalanse ng iba’t ibang klase at laki ng trumpo sa nylon thread.
Mula sa kanyang audition, agad siyang tumatak sa mga hurado at manonood. Tumabo ang audition video niya ng higit 22 milyong views.
Samantala, nakuha rin niya ang pinakamataas na public votes sa kanyang semifinals performance kaya siya nakapasok sa final showdown.
Nakuha naman ng all-gay dance group na Femme MNL ang ikalawang pwesto matapos maipamalas ang bonggang routine kung saan binigyang pugay nila ang kanilang mga magulang. Nakakuha sila ng 50.4% combined votes mula sa hurados at online voters at nanalo ng ?150,000
Pumangatlo naman si Carl Quion dahil sa kanyang magic trick na binalikan ang nakaraan at nagbigay tribute naman sa Comedy King na si Dolphy. Nagkaroon siya ng 47.8% combined votes mula sa hurados at online voters at nag-uwi naman ng P100,000.
Pangmalakasang acts din naman ang natunghayan ng mga manonood noong weekend sa limang grandfinalists na sina Manza (44.6%), JB Bangcaya (44.4%), Jessie J (40.5%), NDDU Gnrls (37.1%), at Ody Sto. Domingo (32.2%).
Naki-join din sa final showdown ng Pilipinas Got Talent Season 7 sina Mr. Pure Energy Gary Valenciano na pinasayaw ang audience ng Hataw Na at si Gerald Anderson na bida ng bagong teleseryeng Sins of the Father.
Trending worldwide ang grand winner na si Cardong Trumpo habang trending nationwide ang hashtag ng show na #PGT7Grandwinner.
Ang Pilipinas Got Talent Season 7 ay binubuo ng power judges na sina Freddie “FMG” M. Garcia, Eugene Domingo, Donny Pangilinan, at Kathryn Bernardo, kasama ang hosts na sina Robi Domingo at Melai Cantiveros.
- Latest