Martin, bumalik ang disiplina

Magbabalik sa entablado si Kapuso actor Martin del Rosario sa rerun ng stage play na Anino sa Likod ng Buwan.
Muli siyang haharap sa hamon ng tinaguriang “the most provocative play of 2025.”
Isa na raw rito ang pagbabalik ng disiplina niya para paghandaan at gampanan ang kanyang karakter.
“Ibabalik ko ‘yung disiplina kasi first time ko sa play. Isipin n’yo almost two hours, tatlong characters lang kami. Sobrang haba noong lines, mahaba ‘yung script, very intense, very sensual, political. Lahat na ng hirap, lahat na ng challenges as an actor, nandito,” sey ni Martin.
Masaya naman siyang nagampanan niya nang maayos ang lahat ng inaasahan sa kanya.
“Kaya nga noong una dinoubt ko ‘yung sarili ko kung kaya ko ba ‘to. Pero mahilig ako sa challenges, tinanggap ko ‘tong challenge na ‘to. Sa mabuting palad naman, kinaya ko.”
Sa palagay raw ni Martin, mas madali na niyang mapapaghandaan ang pagbabalik sa entablado dahil sa experience na ito. “ Ngayon kasi nag-let go muna ako sa character, bumitaw ako. Siguro ‘yung challenge ngayon is paano ako babalik doon sa pinagdaanan ko noon,” pahayag niya.
Ang Anino sa Likod ng Buwan ay isang dula na isinulat ng award-winning writer at director na si Jun Robles Lana.
Kuwento ito ng mga taong napilitang manirahan sa gubat sa Marag Valley noong dekada ‘90 para takasan ang labanan sa pagitan ng militar at mga komunista.
Noong 2015, ginawa niya itong pelikula na may parehong pamagat at pinagbidahan nina LJ Reyes, Anthony Falcon at Adrian Alandy.
Itinanghal muli ang stage play nitong nakaraang Marso at ito ang nagsilbing theater debut ni Martin.
Sa pagbabalik nito sa October, muling makakasama ni Martin ang co-stars na sina Elora Españo at Ross Pesigan.
Dennis, ayaw magpa-dobol!
Hands-on sa Sanggang-Dikit FR si Dennis Trillo pagdating sa kanyang stunts. Ayaw niyang magpa-dobol hangga’t maaari. “Every taping meron kami laging fight scenes. Eto nga lagi akong may mga sugat, galos – galing lahat ‘yan sa mga fight scenes dahil siyempre ‘di maiiwasan na ma-carried out away ka. At siyempre gusto mong pagandahin ‘yung mga eksena at siyempre ‘yung ibang stunts, gusto mo ikaw na lang ang gumagawa.”
Nakaalalay rin lagi si Dennis sa kanyang misis na si Jennylyn Mercado.
“Medyo ngayon lang ulit siya nagiging active at siyempre kailangang bantayan nang maigi, kailangang tutukan para mas maging kapani-paniwala ang mga eksena na ginagawa niya, at siyempre para mabantayan din ang kanyang safety habang ginagawa ang mga eksena na ‘yon.”
- Latest