Leandro, namumundok araw-araw!

Gusto ng actor na si Leandro Baldemor na humaba ang buhay kaya naman mas maalaga na siya sa katawan – mentally, physically, emotionally.
“Kasi napakabilis ng panahon! ‘Pag itong edad natin, singkuwenta na ako, isipin mo, ‘di ba?” umpisa ng actor na isa ring sculptor nang makausap namin last weekend.
“So napakabilis ng panahon, hindi mo masasabi na… e, huwag naman!” sabay knock sa wooden table.
“Kasi, ‘yung mga bata ngayon, hindi ko masabing bata pa rin ako, pero iilang taon na ang ii-stay mo rito? I-enjoy mo na, ‘di ba?
“Sabi ko nga sa asawa kong si Venus, ‘Pag may mga tampuhan tayo, may ano, naku! Ipagpaliban na lang natin!’ Kasi, alam kong ano lang agad tayo. Halimbawa ako, galit, o ikaw, galit. Iano na lang natin, ayusin na lang kaagad.
“Sayang, e. Oras, maghapon ka galit. Dalawang araw, tatlong araw. Sayang! Mag-loving-loving na lang tayo!” kuwento pa niya.
Napag-isip-isip daw niya ito nung may mga pangyayari sa kanila na hindi pagkakaunawaan.
Isang nurse ang misis ng actor, na malapit nang mapanood sa GMA teleserye na Hating Kapatid na pagbibidahan ng Legaspi family – Zoren and Carmina kasama ang kambal nilang anak na sina Mavy at Cassy.
At bukod sa gusto niyang mas maging physically healthy, may ‘memo’ siya na kailangan niyang magpapayat. “Natutuwa naman ako at concerned sila sa akin. Kasi siyempre, kung hindi ako magpapapayat, hindi na ako magkaka-serye. Kaya talagang ginagawa ko ngayon lahat para pumayat. Ito naman, almost 10 lbs na ang nabawas sa akin,” banggit pa niya.
Bukod sa diet sa pagkain, tumatakbo silang mag-asawa sa bundok tuwing umaga.
“‘Yung routine ng pag-e-exercise namin ni Ve, saka ‘yung pagda-diet namin. E, hindi na rin siguro titingnan ‘yung para mag-showbiz-showbiz o ano. Kasama na rin! Pero ang gusto namin, mabuhay kami nang matagal! Hahahaha!
“Kasi may pinag-aaral pa kami. Ayaw naming magkasakit. May bata pa akong 15 years old. So mahaba-habang labanan pa. May college pa tayo.
“Iisa pa ‘yung napapa-graduate ko. ‘Yung isa naman, bago pa lang sasampa ng college. So dapat paghandaan ko ‘yung ganung mga panahon.
“Actually ang pera, kikitain naman ‘yan. Pero ‘pag ‘yung health mo ang nagkaroon ng diperensya, e, maraming mawawala. Hindi ka na makakapaghanap-buhay nang maayos. Hindi ka na makakadiskarte na kailangan mong gawin.
“Alam mo naman tayo, punung-puno tayo ng diskarte sa buhay, e. Para huwag tayong magutom,” mahaba-haba niyang paliwanag sa amin.
Kaya talagang gumigising sila nang maaga. “Paggising lakad ako sa bundok. Actually, bundok namin dito, nalalakaran talaga. Kasi sementado ‘yan. Lakad kami, siguro mga isang oras na walking pataas, tapos pababa.
“Dati kinukuha namin, mga isang oras at kalahati, dalawang oras. Ngayon, isang oras na lang. Routine ko na ‘yan. Gising ako ng mga 5:00, 5:30, umaakyat na kami. Tapos ‘pag si Venus, walang pasok [sa hospital], kasama ko siya. ‘Pag may pasok naman, hindi ko na siya isinasama,” dagdag pa niyang kuwento sa amin nung puntahan namin siya sa Paete, Laguna para sa trophy ng 8th EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).
Pero dahil kumbaga ay malakas na ang stamina nilang mag-asawa, mas maiksi na nilang nilalakad ang kanilang bundok na pag-aari nga nila.
“Kasi, tinatakbo na. Lakad-takbo. Kasi minsan mabibitin ka na dun. ‘Pag makikita mo naman, ansarap ng hangin. Kasi paligid mo, walang init. Paligid mo, ‘yung simoy ng dahon. Tapos ‘yung mga huni ng ibon.
“Dun ka pa makakarinig ng mga huni ng magagandang ibon. After nu’n, baba ka rito, punta ka sa hanapbuhay mo. Andiyan lang naman ang negosyo ko.
“‘Tapos sa food naman, hindi na ako nag-aasukal. Hindi na ako nagkakanin. Tapos isang beses lang ako kumakain sa isang araw talaga,” dagdag pa niyang impormasyon.
Nilagang itlog ang madalas nilang kinakain sakaling magutom. O kaya naman ay tuna na galing sa Japan. “Tapos nagtitimpla ako ng basil, ‘yung pesto. Kasi masarap ‘yun, pampatanggal ng umay, gutom,” sabi pa ni Leandro.
Lately ay medyo tumaba-taba siya dahil sa nakalipas na bakasyon ng Mahal Na Araw. “Hindi katulad dati, nitong holiday, lagi akong nakahiga, nood ng TV o streaming. Kasi tumitingin din ako ng mga pelikula, e.
“Inuubo ako nung nakahiga lagi! So ‘yung baga ko, hindi maganda ang galaw. Laging nakahiga, laging nakaupo.
“So nangyari, sabi nga ni Venus, ‘Maglakad ka na uli. ‘Tapos mag-diet ka na.’ Sabi ko, ‘O, sige. Tulungan mo uli ako.’”
Sa kasalukuyan ay naghahanda ang actor sa taping ng Hating Kapatid kung saan kasama rin niya sina Valerie Concepcion, Glenda Garcia, at Mel Kimura.
Nagsimula na ang taping nito, pero sa Mayo pa magre-report sa set ang actor.
Anyway, si Leandro ay galing sa pamilya ng mga artist / sculptor.
Kaya naman malakas ang negosyo niya lalo na ngayong katatapos na Holy Week kung saan nakabenta siya ng maraming imahe ng santo at mga karu (ginagamit sa prusisyon na pinagsasakyan ng mga santo).
- Latest