Diyos… at Tatlong Ina… ni Ate Guy, binuhay!

MANILA, Philippines — Bilang pagbibigay-pugay sa naging kontribusyon ni yumaong Superstar at Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Sining Brodkast na si Bb. Nora Aunor, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang dalawang tanyag na pelikula ng aktres na muling mapapanood sa mga sinehan.
Ito ay ang Tatlong Taong Walang Diyos at Tatlong Ina, Isang Anak ay nakatanggap ng rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) mula sa komiteng nagrebyu. Ibig sabihin, swak itong panoorin ng pamilyang Pilipino.
Ang 1976 wartime drama na Tatlong Taong Walang Diyos mula sa direksyon ni Mario O’Hara ay nakatanggap ng mataas na pagtanggap noon mula sa mga kritiko nito at kinokonsidera bilang isa sa pinakamahusay na pelikulang Pilipino.
Habang ang Tatlong Ina, Isang Anak (1987) ay tungkol sa kwento ng pagiging isang ina sa katauhan ng tatlong babae na pinagtagpo ng pagmamahal at pagsasakripisyo.
Sa inisyatiba ng ABS-CBN Film Restoration Project (Sagip Pelikula), nagsisilbing pagkilala, parangal, at papuri ang mga pelikulang ito kay Bb. Nora Aunor, kung saan ang kanyang buhay at talento ay nag-iwan ng kasaysayan sa kultura at sining ng Pilipinas.
“Ang ating Superstar na si Bb. Nora Aunor ay hindi lamang isang pambansang yaman kundi ay sumisimbolo sa tagumpay ng industriya ng pelikula ng Pilipinas,” sabi ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio.
- Latest