‘Di naka-attend ng rally… Sharon, nagdududuwal nung birthday ni KC!

Nagkasakit si Sharon Cuneta sa mismong kaarawan ng kanyang panganay na anak na si KC Concepcion last April 7.
Base sa mahabang post ni Megastar kahapon sa kanyang social media accounts (Instagram and Facebook), sinorpresa niya si KC noong kaarawan nito at pumunta siya sa birthday celebration na ginanap sa isang resort (hindi na niya sinabi kung saan).
Ang pagkakasakit niya rin ang dahilan kung bakit hindi siya nakadalo sa campaign rally ng mister niyang si Atty. Francis “Kiko” Pangilinan the following day, April 8, na ginanap naman sa Bulacan.
“I am so sorry po sa lahat ng dumalo sa rally ni Kiko sa Bulacan kahapon dahil hindi po ako nakapunta when talaga pong reading-ready na po sana kami.
“Ang totoo po, nagkasakit po ako ng di ko pa po dinanas sa buong buhay ko. April 7 po sosorpresahin ko si KC sa paborito naming resort para sa birthday niya,” simula ni Mega sa kanyang post.
Patuloy niya, “Bago po ako umalis, di ko po alam bakit bigla pong humilab ng grabe ang sikmura ko at duwal po ako ng duwal. Kahit po ganon lumipad pa rin ako para makasama ang anak ko ng isang gabi man lang dahil nakaschedule nga po kami sa Bulacan the next day.”
Hanggang sa birthday ni KC ay nagdududuwal pa rin siya at hindi na tuloy siya nakakain sa birthday dinner.
“Pagdating ko po kay KC masaya kami tapos nagulat ako duwal na naman po. Kaya di na po ako nakakain sa birthday dinner nya kundi nakahiga na lang po ako sa room naming dalawa. Tuloy pa rin po ang duwal,” pagbabahagi niya.
The following day ay ganu’n pa rin daw ang kanyang pakiramdam.
Kaya naman nagpa-test na siya ng kanyang dugo at good thing, normal naman daw lahat.
“Nagpareserve na kami ng room sa St. Luke’s pero nagpakuha na po ako ng dugo sa bahay at hinintay ko ang results. Nakapagtataka naman po at salamat sa Diyos normal lahat,” aniya.
“Di pa po ako bumabangon ng matagal since yesterday na pinahiga at pinarest na po ako. Di na po ako pinapunta sa hospital para mag-suero dahil nga po pinaiinom na ako. Di pa po ako nagduduwal mula noong humiga ako kahapon.
“Pero natatakot po ako tumayo ng matagal dahil dun po ako biglang inaatake ng hilo. Lugaw at saging lang po ang kinakain ko mula kahapon at ngayong umaga,” saad pa ni Mega.
Sinabihan naman niya ang fans na huwag mag-alala sa kanya dahil dehydrated at stressed lang daw siya.
“Please pray for me. But I don’t want you to worry dahil mukhang dehydrated lang po ako at sobra po akong stressed this whole past week kaya nagkaganito,” aniya.
Sa isa pang hiwalay na post ay nag-sorry rin si Sharon sa anak na si KC at binati ito sa kaarawan nito. Binanggit din niyang napakasaya niya na nakatabi niyang muli sa pagtulog ang kanyang eldest daughter.
Nagpasalamat din siya sa pag-aalaga ni KC sa kanya.
“Thank you for taking care of me. I love you very much. May God give you all the desires of your heart this year!” pagtatapos ng birthday message ni Mega for KC.
Nauna rito ay nag-post din si KC ng mga larawan nila ng kanyang mom during her birthday celebration.
- Latest