Super Tekla, pinagduldulang lalaki siya

May mangilan-ngilan pa ring nagdududa sa gender identity ni Super Tekla.
Nagdududa sila kung straight ba talaga siya, lalo na’t madalas siyang magdamit pambabae tuwing lumalabas sa TV o nagpe-perform sa mga event.
“May mga mangilan-ngilan. Sabi, ‘Ano ba talaga ang identity mo?’ Dati kasi, Tito Boy, naging parang ano ako, lalaki, para akong mag-aayos ng aircon. Alam mo ‘yung ganun?” sabi ni Tekla sa programang Fast Talk with Boy Abunda.
Ngunit ayon sa kanya ay hindi ito umubra para sa kanya bilang performer at sa halip ay mas naguluhan pa umano ang mga manonood kung isa ba talaga siya sa mga performer.
“‘Yung nag-dress up ako ng girl, lumabas ‘yung character ko, so in-embrace ko ‘yun pero I’m totally a guy, straight,” sabi ng komedyante na ang tunay na pangalan ay Romeo Librada.
Kainailangan daw maging “madiskarte” sa entertainment industry para mapansin siya. “Ina-adopt ko na lang siya, kasi kailangan mong maging madiskarte rito... Kung kailangan mong sumabay, kung saan ka, wala namang masasagasaan. You have to build your character, you have to build your own identity na ikaw ‘yan,” saad niya.
Sa katunayan, nakabihis-lalaki siya sa normal na buhay o kapag hindi nagpe-perform. Sinabi rin niyang isa siyang ama sa tatlo niyang anak, kabilang na ang isang teenager na si Aira.
UH host, wish ulit makaarte
Kilala bilang host ng morning show na Unang Hirit si Kaloy Tingcungco pero bago siya maging host, lumabas na siya bilang aktor sa ilang Kapuso shows at series. “Actually, ang tagal ko nang gustong makabalik and I hope I get the chance again to act and to do what I used to love as well kasi hindi pa lang ako nabibigyan ulit ng platform to act,” sabi ni Kaloy.
Napanood noon si Kaloy sa ilang serye sa GMA tulad ng Start-UP Ph, Little Princess at The Write One.
Pinangalanan din niya ang mga taong nais niyang makatrabaho pagbalik niya sa pag-arte.
Kamakailan lamang, inilabas ni Kaloy ang kaniyang pinakaunang single na Infatuation sa ilalim ng GMA Playlist.
- Latest