Lumulutang ulit ngayon ang old video ni Daniel Padilla kung saan ay sinabi niyang diretsahan na walang makakatalo sa fan club ng KathNiel.
Ito ay matapos ianunsyo ng ABS-CBN Films last Friday na ang Hello, Love, Again na nina Kathryn Bernardo at Alden Richards ang may hawak ng record na Highest Grossing Filipino Film of All Time.
Ayon sa mga ulat, kumita na raw P930 million ang HLA from worldwide theatrical sales as of Nov. 22, 7 p.m. Natalo na raw nito ang Rewind nina Dindong Dantes at Marian Rivera na nag-gross ng P924M in theatrical run.
Dahil dito ay may mga nag-post ng video ni Daniel na sinasabi niyang “and for me, wala pa ring fans club na makakatalo sa KathNiel. Sorry but it’s true.”
Sinabi ito ni Daniel habang nagpapasalamat siya sa KathNiel fans during his contract-signing with ABS-CBN last February, 2024.
Kaya naman galit na galit na naman ang netizens and fans ni Kathryn at ipinamukha kay Daniel ang gross ng Hello, Love, Again na tinalo na naman ang The Hows of Us ng KathNiel in 2018.
Buhay ni April Boy, nilahad ni Direk Efren sa pelikula
Aminado ang veteran actor at ngayon ay direktor nang si Efren, Reyes, Jr. na na-inspire siya sa makulay na buhay ng pumanaw na OPM singer na si April Boy Regino kaya naisip niya itong gawan ng bioflick.
Si Efren ang direktor ng IDOL: The April Boy Regino Story at siya rin ang gumawa ng script nito.
Kwento niya, five years in the making daw ang pelikula at buhay pa si April nang planuhin nila ito.
Taong 2019 nang magsimula siyang isulat ang buhay ni April Boy matapos niya itong makilala at makasama sa isang out of town event noong 2019. “Sa hotel, nagkakuwentuhan kami at naikuwento nga niya sa akin ‘yung buhay niya, ‘yung pinagdaanan niyang cancer, heart failure, tapos, nabulag. Lahat ‘yun, pinagdaanan niya. Tatlong dagok sa buhay and yet, nagpe-perform pa rin siya,” kwento ni Efren nang makapanayam namin sa ginanap na premiere night ng pelikula last Friday.
Magsu-shooting na raw sana sila noong 2020 pero biglang nagka-pandemic at kasabay pa nito ay pumanaw na si April Boy noong Nobyembre 29 ng nasabing taon dahil sa cancer at iba pang komplikasyon.
Dahil sa pagpanaw ni April Boy ay na-shelve muna ang project and finally, natuloy na rin ito ngayong 2024. “Nung nakaluwag tayo, sabi ni kumander (the producer), ‘ituloy natin, nangako tayo sa patay,’” sabi ni Efren.
Ayon pa kay direk ay sobrang inspiring daw ng kwento ng buhay ni April Boy at gusto niyang i-share rin ito sa mga tao. “Magandang malaman mo kung ano ‘yung tunay na nangyari kay April Boy sa likod ng entablado. Maraming humanga sa kanya sa ibabaw ng entablado. Nakita n’yo naman po kung ano ang pinagdaanan ng taong ito na napakamakulay ng buhay sa likod ng entablado.
“Mas makulay ang April Boy sa likod ng entablado,” saad pa ni direk Efren.
Isang malaking challenge nga raw kay direk ang finale ng pelikula. “Dahil nu’ng sinusulat ko ‘to, buhay pa si April Boy. Ang original na script ko na finale scene is si April Boy mismo ang lalabas sa entablado para kumanta,” aniya.
Kaya kinailangan niyang mag-isip ng magandang finale for the film. Ito raw ang dapat abangan ng manonood kapag ipinalabas na ang movie sa mga sinehan sa Nov. 27.
Ang IDOL: The April Boy Regino Story ay pinagbibidahan ng baguhang aktor na si John Arcenas bilang April Boy. Kasama niya sa movie ang newbie actress na si Kate Yalung na gumaganap namang misis ni April Boy na si Madeline.
Sa mga hindi nakakaalam, si April Boy ang nagpasikat ng mga awiting Di Ko Kayang Tanggapin, Umiiyak ang Puso Ko’t Sumisigaw, Paano ang Puso Ko, among others.