MANILA, Philippines — Nagbebenta na raw ng ilang mga kagamitan sa kanilang bahay ang former sexy actor dahil malaki raw ang financial problem nito.
Dating may magandang negosyo ang aktor na kanyang tinayo noong papawala na ang sexy movies noon. Nagtrabaho rin ito sa ibang bansa noong magkaroon na siya ng pamilya.
Semi-active pa rin naman sa showbiz ang aktor at sunud-sunod ang paggawa niya ng mga teleserye noon. Pero biglang nabago ang lahat noong magkaroon ito ng hindi magandang bisyo.
Nagsimula raw ang bisyo nito dahil sa mga bagong nakilalang kaibigan dahil sa kanyang business. Noong malulong na ito at unti-unti nang napapabayaan ang negosyo, biglang hindi na raw nagpapakita ang mga bagong kaibigan niya.
Mula sa sarili nilang bahay ay napilitang ilipat ng aktor ang kanyang pamilya sa isang paupahan na townhouse dahil malaki pa raw ang utang nito sa bangko kung saan ito kumuha ng housing loan.
Naranasan daw ng kanyang pamilya na minsan na silang putulan ng kuryente dahil wala siyang maipambayad. Tinulungan daw siya ng ilang mga kaibigan sa showbiz para mabayaran ang malaking utang nila sa kuryente.
Pati sa renta ay naging pabaya ang aktor at muntik na silang palayasin kung hindi pa nag-abot ng tulong ang isang kasabayan niyang aktor sa showbiz.
Nabenta na rin ng aktor ang sasakyan niya dahil nagsunud-sunod ang nagkasakit sa pamilya niya. Dahil walang raket, walang choice ang aktor kundi ibenta ang ilang mga gamit nilang may halaga online.
Pinauwi na ng aktor ang kanyang pamilya sa probinsya dahil hindi na raw nila ma-afford ang upa ng tinitirhan nila ngayon.
Nahihiya na raw humingi ng saklolo ang aktor sa kanyang mga kaibigan kaya kapag nabenta na raw ang lahat ng kagamitan nila, susunod siya sa probinsya para doon na magbagong-buhay.
Kaya payo ng aktor sa mga baguhang aktor ngayon na umiwas sila sa masamang bisyo at pakahalagahan ang mga perang kinikita nila.
Pokwang, Papalitan na ang apelyido ng anak!
Naniniwala si Eugene Domingo na magiging sikat na artista ang anak ni Pokwang na si Malia.
Sa kanilang pictorial ng pelikulang Becky at Badette ay isinama raw ni Pokwang si Malia sa set. Ikinatuwa ito ni Eugene dahil lahat daw ng tao roon ay nagsasabing artistahin si Malia.
Samantalang kinumpirma ni Pokwang na papalitan niya ang apelyido ni Malia mula O’Brien, gagawin niya itong Subong.
“Yes na yes. Siyempre, deserve ng anak ko ‘yung pangalan na inaalagaan at minamahal siya at binibigyan siya ng oras,” sey ni Pokwang.
Hindi naman daw sila kasal ng ex-partner niyang si Lee O’Brian at hindi naman din daw siya hinahanap ng anak nilang si Malia.
“Mas umiiyak siya ‘pag wala ako sa tabi niya. Siguro kasi nga kagaya ng sinabi ko wala siyang naipundar na bonding sa anak ko, walang emotional investment.”