Mga sinehan, tuloy ang pagsasara  

Nasa kalahatian na tayo ng taon pero ‘wait and see’ pa rin ang attitude ng maraming producers na kung ang pagbabatayan ay dating panahon, abala na sa kanilang gagawing festival movies. Ang Metro Manila Film Festival, naglabas na ng listahan ng apat na pelikulang napili nila mula sa isinumiteng script ng pelikula, iyong iba pang kasali hihintayin nila ang finished product.
Pero iyon nga ang problema eh, ‘wait and see’ pa rin ang mga producer, at ang mara­ming sinehan, mukhang tuloy pa rin ang pagsasara. Ikino-convert na ang mga sinehan sa mga commercial store na mas kikita nga siguro.

May mga binubuksan daw na mga mini-theater, maliit lang ang capacity para siguro sa mga indie.                             

Halos kasing-laki lang iyan ng mga preview room ng mga sinehan noong araw, at sa palagay namin, for exhibition lang iyan. Hindi mo maaasahang kumita ang mga pelikulang ipapalabas sa mga iyan.

Sinasabi ring naging bantulot ang mga producer dahil sa naging urong-sulong na appointments na ginawa ng bagong gobyerno kaya hindi pa nila alam kung anong policy nga ba ang ipatutupad. Ipatutupad pa ba ang pandemic policy, o bago na?

Sa aminin man natin o hindi, hindi naman umusad ang industriya ng pelikula sa nakaraang tatlong taon, maaaring dahil sa walang tigil na lockdown nga dahil sa pandemya, o dahil sa mga maling
diskarte.

Sana maging maliwanag ang policies ng bagong gobyerno, at maging malinaw na nga ba kung sino ang mga mamumuno talaga ng industriya dahil kung hindi, wala na naman tayong maaasahan sa taong ito.

Sarah, may tinanggihang malaking offer

Tsismis lang naman iyon, na tinanggihan daw ni Sarah Geronimo ang offer sa kanyang 800 milyong piso, pero bubunuin niya iyon sa loob ng limang taon. Hindi mo masasabi kung gaano karaming trabaho ang kailangan niyang gawin para sa perang iyon.

Isa pa, walang katiyakan kung ano ang magiging direksiyon ng industriya ng telebisyon sa susunod na limang taon. Umaasa pa ring makakabalik sa free TV ang ABS-CBN, at may nakikita pang isang bagong higante, ang Advanced Media Broadcasting System.

Isa pa, maliit iyon dahil kung iisipin ninyo, si Sharon Cuneta, bagama’t lampas na noon sa kanyang peak, binayaran pa ng isang bilyon ng TV5. Iyon nga lang, hindi rin naman natapos. Hindi rin sumipa sa ratings ang mga show ni Sharon. Nabagalan siya sa takbo ng projects, nagpa-release na rin siya at isinauli pa raw ang ibang ibinayad ng TV5. Wait and see na rin muna si Sarah at mukhang ini-enjoy ang buhay may asawa.

Sexy star, pinaayos ang katawan matapos iluwal ang anak sa pulitiko

May tsismis, iyon palang isang sexy star ay nabuntis ng isang showbiz-political figure kaya nawala nang ilang buwan, at talaga raw sagsagan ang ginawang ‘pagtulong’ doon ng isang dermatologist, para maisailalim sa “body sculpting” dahil sisimulan na nga raw ang isang project noon, eh hindi pa nakakabawi ang kanyang katawan matapos na manganak. At least ipinanganak niya ang ipinagbuntis niya. Hindi niya pina-abort.

Show comments