Pumanaw na ang isa sa music icons noong late ’70s at ’80s na si Claire dela Fuente. Si Claire along with Imelda Papin at Eva Eugenio ay mga tinaguriang Jukebox Queens at the peak of their respective careers.
Si Claire ay nakilala nang husto sa awiting Sayang. Magmula noon ay naging sunud-sunod na ang paghatid niya ng hit songs at kabilang na rito ang Nakaw na Pag-ibig, Minsan-Minsan, Mga Nakaw na Sandali, at iba pa.
Si Claire ay discovery ng yumaong composer na si George Canseco sa isang school singing competition sa University of the East kung saan si G. Canseco ang punong hurado. At that time ay freshman student si Claire ng nasabing unibersidad. Inawit ni Claire ang isa sa mga hits ng The Carpenters, ang Love Me For What I Am.
Dahil sa laki ng pagkakahawig ng boses ni Claire at ng yumaong American singer na si Karen Carpenter, siya ay tinaguriang “Karen Carpenter of the Philippines” at ito’y hindi lingid sa kaalaman ng kapatid ni Karen na si Richard Carpenter.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, nag-tandem sina Claire at Richard sa In Your Eyes international album ni Claire at dumating pa sa Pilipinas si Richard sa launching ng nasabing album ni Claire in 2008.
Nineteen years old lamang noon si Claire nang kanyang mapangasawa ang kanyang non-showbiz husband na si Moises `Boy’ De Guzman at nagkaroon sila ng dalawang anak, sina Gregorio `Gigo’ at Graciela na pareho nang nakapagtapos ng kanilang pag-aaral. Taong 2006 naman nang sumakabilang-buhay ang mister ni Claire na si Boy kaya mag-isang iginapang ni Claire ang kanyang dalawang anak.
Even at a young age ay isa nang negosyante si Claire. Meron siya noong boutique at technical shop sa Virra Mall in Greenhills, San Juan na sinundan ng kanyang King of Kings Transport (bus company), restaurants at iba pang negosyo.
Pero bago pumanaw si Claire ay ininda niya nang husto ang pagkakadawit ng kanyang anak na si Gigo sa pagkamatay ng PAL flight stewardess na si Christine Dacera na sumakabilang-buhay noong nakaraang New Year’s day habang nagkakasayahan silang magkakaibigan sa isang hotel in Makati. In her heart, alam niyang inosente ang kanyang anak.
Si Claire ay pumanaw kahapon ng umaga, dahil sa cardiac arrest. She was 63, sa ER ng isang hospital.
Mula sa amin dito sa Pang-Masa, ang aming taos-pusong pakikiramay sa pamilya na iniwan ni Claire.