Maaga na nabiyuda ang former actress na si Lindsay Custodio dahil nasawi sa isang aksidente noong Linggo ang kanyang asawa na si Julius Caesar Platon II na dating vice mayor ng Tanauan City.
Dadalhin ngayon, November 21, ang bangkay ni Julius sa Tanauan City Hall para sa isang misa at parangal sa kanya.
Ito ang advisory na inilabas ng Tanauan City Information Office tungkol sa magaganap na parangal para sa asawa ni Lindsay.
“Ang mga labi ng yumaong Former Vice Mayor Julius Caesar G. Platon II ay dadalhin sa lungsod ng Tanauan bukas, Nobyembre 21, 2018, kung saan isang banal na misa ang isasagawa sa harap ng New Tanauan City Hall Building, ganap na 9:00 ng umaga, at susundan ng “Luksang Parangal” sa ganap na 10:00 ng umaga na pangangasiwaan ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna nina Mayor Atty. Jhoanna Corona, kasalukuyang acting Mayor Ben Corona Ret, acting Vice Mayor Eric Manglo at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod.
Mananatili ang mga labi ni Former Vice Mayor Platon sa bagong city hall hanggang 3:00 ng hapon para sa isang public viewing.”
Hindi kakandidato!
Tapos na ang filing of candidacy ng mga tatakbo sa eleksyon sa May 2019 pero lumitaw na naman ang tsismis na kakandidato si Willie Revillame.
Sa mga nagtatanong tungkol sa balita na may balak si Willie na pumasok sa pulitika, malinaw ang sinabi niya noon na puwede siyang tumulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng kanyang top-rating game show sa GMA-7, ang Wowowin. Na ibig sabihin ay hindi siya kakandidato.
Kung talagang kakandidato si Willie, nag-file na sana siya ng kandidatura noong nakaraang buwan. Natapos ang filing of candidacy na walang Willie na nagpunta sa COMELEC kaya ito ang klaro na sagot sa mga naniniwala na papasok siya sa mundo ng pulitika.
Edu nakitsika sa kamag-anak ng kalaban!
Nagsisimula nang mag-ikot si Edu Manzano sa San Juan City dahil kakandidato siya ng house representative sa halalan sa susunod na taon.
Siyempre, pinagkakaguluhan at dinudumog si Edu ng mga tao sa lahat ng lugar na binibisita niya.
President Lucas Cabrera ang tawag kay Edu ng mga nakakahalubilo niya dahil sikat na sikat ang karakter niya sa FPJ’s Ang Probinsyano.
May isang insidente na nakunan si Edu ng litrato habang nakikipag-usap sa isang kamag-anak ng makakalaban niya sa pulitika.
Marami ang natuwa kay Edu dahil hindi siya nagpapaapekto sa mga political rivalry.
Maricel Morales kakandidato
Kumakandidato na bise-alkalde ng Angeles City, Pampanga ang aktres na si Maricel Morales.
Lumalabas pa rin si Maricel sa mga pelikula pero priority niya ang paglilingkod sa mga kababayan niya.
Bago nag-decide na tumakbo na vice mayor ng Angeles City, natapos ni Maricel ang tatlong term niya bilang konsehal ng kanilang siyudad.