MANILA, Philippines – Napaiyak si AiAi delas Alas nang alalahanin ng anak na si Sancho ang pagbigay sa kanya ng isang mumurahing necklace na binili ng anak mula sa kinita sa pagtulong sa pedicab nu’ng bata pa ang panganay.
“Thirty five pesos ‘yon. Lagi niyang binabanggit sa akin na,’Mama, ‘pag nagkapera ako, bibilhin ko lahat ng gusto mo.’ Nakakaiyak naman!” sabi ni AiAi matapos iwanan ang TV interview niya dahil sa pag-iyak.
Kasama ni AiAi ang panganay niya sa lunch kahapon sa Romulo’s Café sa ilang kaibigan sa press. Siya rin kasi ang manager ni Sancho na isa nang Kapuso artist.
Pero si Gerald Sibayan, hindi pa siya napapaiyak?
“Huwag na nating pag-usapan ‘yon! Huwag na,” pakiusap ni AiAi.
“Hindi ko naman siya binabanggit. May nagtatanong kasi,” rason niya.
So ano ang bagong AiAi sa 2015?
“Bagong AiAi? Ano ako ngayon, back to basic ako ngayon. The best of AiAi delas Alas! ‘Yun kasi ang gusto kong mangyari sa concert ko, so nag-start na ako ngayon! Ako naman kasi ang nagpa-uso sa mga ganito so simulan uli natin sa ganyan,” katwiran niya dahil sa style ng suot na damit.
Sa Valentine concert niya sa Solaire Resort & Casino, si Richard Yap ang guest niya at hindi niya itinatanggi na lalaswain niya ang actor.
“Siyempre naman! Alangan naman…Sa February 12 sa The Theater sa Solaire. Try rin natin siyang hipu-hipuan! Ha! Ha! Ha!” sagot ng Comedy Concert Queen.
“Naghalikan na kami. Sanay kaming naghahalikan!” dugtong niya.
Wala man siyang regular pang TV show ngayon, ipinagmamalaki niyang napapanood “regularly” ang dati niyang shows na Ang Tanging Ina at My Binondo Girl sa Jeepney TV, huh!
“At least, nandoon ako sa Jeepney TV. Pero wala pa ako sa Cinema One, huh! Ha! Ha! Ha!” saad niya na mga lumang movies naman ang pinalalabas.
Sumama raw ang loob ni Sancho nang hindi natanggap sa Pinoy Big Big Brother. Siya rin ba?
“Oo naman. Siyempre ‘pag masama ang loob ng anak mo, masama rin ang loob ng nanay, ‘di ba? Pero let’s all move on. Tapos na ‘yon,” tugon ni AiAi.
Ayon kay AiAi, nag-audition si Sancho at pumasa kaya kinuha ng GMA.
“Don’t burn bridges! Ha! Ha! Ha! Makuha ka sa tingin, Jun Nardo! Alam mo na! Ha! Ha! Ha!” babala ng komedyana.
Maganda raw ang bukas ng taon kay AiAi dahil nawala ‘yung mga negatibong pangyayari sa kanya last year. Wala man siyang movie sa huling bahagi ng taon, kasama sa plano niya ang magkaroon ng entry sa 2015 Metro Manila Film Festival (MMFF) after ng birthday concert niya sa SM MOA Arena sa November 14.
Pagdating naman sa una niyang balak na pasukin ang pulitika, nawala na ‘yun sa plano niya this year pero kasama siya sa isang koalisyon na may kaugnayan kay Vice President Jojo Binay na this month ang launching.
“Hindi na ako papasok. Sa 2016, tingnan muna natin ang bagay-bagay kung ano ang mangyayari. But kasali ako roon sa Council ng Kilos Kaayusan ni VP Binay na ilo-launch this month,!” deklara ni Ai Ai.
Ipinagtatanggol sa mga basher Sancho itinangging binili ni AiAi ang bagets na BF
Tanggap nang buung-buo ni Sancho ang boyfriend ng inang si AiAi na si Gerald. Nakikita naman kasi niyang masaya ang ina sa piling ng boyfriend kaya hindi siya tutol sa pakikipagrelasyon kahit malaki ang age gap nila.
“Dumating kasi ang time na gusto nang sumuko ni Mama after ng nangyari sa kanila nu’ng una. Pero ako na rin ang nagsabi sa kanya na may makikita siyang katapat ng pagmamahal niya,” sabi ni Sancho.
Nu’ng panahon na ‘yon, hindi niya iniwanan ang ina. Nasaksihan niya ang lowest point ng ina niya. Gusto man niyang makipagbugbugan sa dating asawa nito, pinigilan siya ni AiAi.
“Huwag na raw akong gumawa ng ikasasama ko dahil hindi naman daw po worth it! Pero siyempre, bilang panganay, hindi ko in-expect na ganoon ang mangyayari. Never naman kasing nagsabi si Mama na ganoon ang nangyayari,” sey pa niya.
Pero batid ni Sancho na may mga basher ang ina sa bago niyang boyfriend. Kaya naman hindi niya napigil ang sarili na sagutin ng bashers na ‘yon.
“May one time na nakipagtalo ako sa Facebook. May lumabas kasi na article na dyaryo na parang sinasabi na…Ah, pupunta na si Mama sa States. So may tao na nag-comment. Hindi na sana ako magsasalita.
“Eh kesyo binili lang daw ni Mama si Gerald. Hindi na naman po bata si Gerald. So dinipensahan ko si Mama.
“Una sa lahat, hindi po binili ni Mama si Gerald. Niligawan ni Gerald ang nanay ko. Kumbaga, masaya naman po sila eh! Huwag…Hindi namin mapipigilan ang opinion ng ibang tao.
“Sa amin na lang, tatanggapin na lang namin kung ano ang sinasabi ninyo pero kailangan kong depensahan ang Mama ko na hinuhusgahan na nila!” paliwanag ni Sancho na tumigil nang sumagot sa mga basher.