Pangalawang beses nang nabasura ang reklamo ni Deniece Cornejo laban kay Vhong Navarro. Ang sinasabi ng piskal, kung totoo kasing ni-rape na ni Vhong Navarro si Deniece noong Enero 17 kagaya sa sinasabi niya, bakit pa niya muling pinapunta iyon sa kanyang condo noong Enero 22? Noong Enero 22, sinabi kasi nilang una na pinagtangkaang halaying muli ni Vhong si Deniece at inabot iyon ng kanyang mga kaibigang kinabibilangan ni Cedric Lee, at noon nga nabugbog si Vhong.
Sa desisyong iyan ng piskalya, sinabi ng abogado ni Vhong na si Alma Mallonga na mukha nga raw magiging maliwanag nang walang kasalanan talagang ginawa si Vhong laban kay Deniece. Bale ang bubunuin na lang niya ay iyong reklamong rape laban sa kanya ni Roxanne Cabañero at ng isa pang stunt woman na nagsasabi ring pinagsamantalahan niya.
Mahirap pangunahan ang desisyon ng korte at maging ng piskalya, pero parang nalalabuan din kami sa isa pang kaso dahil ni hindi matiyak ng complainant ang petsa at ang lugar kung saan nangyari ang sinasabi niyang rape.
Pero siyempre iaapela pa rin iyan ng kampo ni Deniece.
Mukha namang sa ngayon, kahit na nga marami pa rin ang kasong kanyang hinaharap ay nagbalik na sa normal ang buhay ni Vhong. Wala na rin siyang iiwasan dahil ang mga taong nambugbog naman sa kanya ay nakakulong na ring lahat at walang itinakdang piyansa para sa kanila. May petition silang lahat for bail, pero wala pang aksiyon ang korte.
Actually mahirap ang sitwasyon nila, dahil nakakulong sila sa mga hindi regular na piitan. Hindi naman sila kagaya ng mga senador na nakulong, at ni Napoles na mas maganda ang kulungan. Si Deniece, may kasamang ibang mga detainee sa kanyang kulungan na inirereklamo rin niyang mainit at maraming tumatakbong malalaking daga.
Alaala ni Dolphy buhay na buhay pa rin
Tuloy daw talaga ang plano ng pamilya ng yumaong Comedy King na si Mang Dolphy na gumawa ng celebration kaugnay ng pag-alala rin sa ikalawang taon ng kanyang kamatayan. Magkakaroon sila ng isang fun run na ang kikitain ay para sa charity. Hanggang ngayon naman pinagsisikapan nilang maituloy ang ginagawa noon pa ng Dolphy Foundation, na itinatag ng comedy king at tumutulong sa mga mahihirap. Mayroon pa nga siyang scholarship sa ilalim ng foundation na iyon.
Iyon ang dahilan kung bakit nag-qualify si Mang Dolphy doon sa Golden Heart honors na ibinigay sa kanya ng presidente, at mas mataas na ‘di hamak kaysa sa National Artist. May monumento na rin siya sa Roxas Boulevard na ipinatayo ni dating Mayor Alfredo Lim. Aywan kung matutuloy ang noon pang sinasabi ni Mayor Herbert Bautista na lalagyan din ng monumento si Mang Dolphy sa Quezon City at may isa pa diumanong iskuwelahan na ipapangalan sa kanya.
Nakakaloka! Baklang talent manager pinapatos ang mga alaga
Usap-usapan ngayon ang sinasabing relasyon ng isang baklang talent manager sa dalawa niyang male talents. Wala naman daw problema sa dalawa kung pareho ngang may nangyayari sa kanila at sa kanilang manager, dahil wala naman daw relasyon na parang boyfriend. Mukhang pumapayag lang ang dalawa sa kagustuhan ng kanilang manager, pero wala talagang relasyon. Iyon daw ang dahilan kung bakit ang dalawa ay alagang-alaga naman ng manager nilang bading.
Ang halay naman niyan.