Angel hirap sampalin si Maja

Ipinakita sa trailer ang sampalan blues nina Angel Locsin at Maja Salvador sa bagong primetime drama series sa ABS-CBN na The Legal Wife. Inamin naman ni Angel na parang nakababatang kapatid na babae si Maja at dahil mabigat ang kamay nito ay iniwasan niyang magkaroon ng mga eksenang sampalan. Pero bahagi ng istorya ay kailangan ang malulutong na sampal ni Angel.

Ano naman kaya ang reaksiyon ni Maja sa sampalan nilang dalawa?

“Bago mag-take ay pinagsabihan na ako ni Angel tungkol sa pagsampal niya sa akin. Mabuti na lang at malambot ang kamay niya,’’ sabi ni Maja.

Bawat karakter nina Angel, Jericho Rosales, at JC de Vera ay may kanya-kanyang laban sa buhay.

Ang The Legal Wife ay sa ilalim ng direksiyon nina Rory Quintos at Dado Lumibao na magsisimula na ngayong Lunes (Enero 27) sa primetime bida ng ABS-CBN.

Robin itutuluy-tuloy na ang paggawa ng action movie

Hanga kami kay Robin Padilla dahil sa pamamagitan niya ay magsisimula na namang mapanood ang action movies gaya ng Sa Ngalan ng Ama, Ina at mga Anak. Sa hirap ng buhay ngayon ay wala na yatang gustong mag-prodyus ng action film, na sinimulan ng 10,000 Hours at ipagpapatuloy ni Robin, dahil sa laki ng production cost.

Sa direksiyon ni Jon Villarin, isang period movie ang Sa Ngalan ng Ama, Ina at mga Anak na nagsimula sa magulong dekada 70. Naglalayon ang pelikula na muling maipahayag ang tunay na buhay ni Ongkoy, ilalarawan ni Robin, na minsang naging pinuno ng mga anti-vigilante na Kuratong Baleleng.

Ayon sa action superstar, istorya ito ng mga tunay na tao, ng isang pamilya na bumabalot sa pag-ibig. Kasama rin sa pelikula si Mariel Rodriguez, ang teen king na si Daniel Padilla, ang mga teleserye star na sina Kylie at Bela Padilla gayun din ang mga batang aktor na sina RJ at Matt Padilla.

Tampok din Sa Ngalan ng Ama, Ina at mga Anak sina Rommel Padilla, Dennis Padilla, Aljur Abrenica, Bugoy Cariño, Dina Bonnevie, at Christopher de Leon.

Palabas na ito sa Jan. 29 mula sa Star Cinema at RCP Productions.

 

Show comments