Mahilig sa panonood ng sine si Chief Persida Acosta ng Public Attorney’s Office (PAO) kaya naman ilang pelikula ang napanood sa Metro Manila Film Festival (MMFF) gaya ng 10,000 Hours, Pagpag: Siyam na Buhay, at My Little Bossings.
Bilib ang mabait na attorney sa husay ng pag-arte ni Robin Padilla at sinabing deserving siya na manalo bilang best actor para sa kanyang action film.
Aliw na aliw naman siya sa pakuwela nina Bimby Yap, Jr. at Ryzza Mae Dizon sa My Little Bossings at hanga rin sa tambalan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
Higit sa lahat in na in din siya sa entertainment sector at mahal ng maraming movie press. Sabi nga ng PAO chief, baka ang bago niyang programa sa TV network ay sa entertainment na pero may halo pa ring public service. Ang kanyang programang Public Atorni na namayagpag for two years ay maraming viewers at nagkamit na rin ng award sa public service.
Sa kabilang banda, nasisiyahan si Chairman Persida dahil sa personal niyang pagtutok sa kaso ng kasambahay ni Janet Napoles na si Dominga Cadelina na nakulong sa salang pagnanakaw ay napalaya ito. Dumadalo siya sa hearing ng kasambahay at talagang naawa sa kanyang kalagayan.
Naakusahan ito sa pagnanakaw ng P13,000 at, ayon pa rin kay Chief Persida, ay hindi naman napatunayan sa korte ang paratang kaya na-dismiss with finality ang kaso kay Gng. Cadelina at hindi na umapela pa ang kampo nina Napoles sa pangunguna ni Jaime Napoles at kapatid na si Reynald Lim.
Igan nagpa-concert para sa mga may diabetes
Hindi lang magaling na broadcaster si Arnold Clavio kundi kilala rin sa pagiging mapagkawanggawa. Isa ito sa tumanggap ng public service award mula sa movie Writers Welfare Foundation dahil sa tuluy-tuloy nitong pagtulong sa mga batang may diabetes gayun din sa mga kapuspalad na matatanda sa pamamagitan ng kanyang Igan Foundation.
Nagdaos ng Mahika at Musika concert ang Igan Foundation na ang nalikom na pera ay napunta sa Adopt-a-Child with Diabetes. Ang iba pang proceeds nila ay napunta sa mga biktima ng bagyong Yolanda.