Cardinals, Blazers upakan sa Game 1 ng NCAA Finals
MANILA, Philippines — Huling nagkampeon ang Cardinals noong 1991, habang naghari ang Blazers sa una at huling pagkakataon noong 2000.
Mag-uunahan ang Mapua University at College of St. Benilde na matapos ang kanilang pagkauhaw sa korona sa NCAA Season 100 men’s basketball best-of-three championship series.
Nakatakda ang Game One ngayong alas-2 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sinibak ng Cardinals ang Lyceum Pirates, 89-79, at pinatalsik ng Blazers ang dating kampeong San Beda Red Lions, 79-63, sa Final Four para itakda ang kanilang kauna-unahang finals duel.
Si Joel Banal ang nagbigay sa Mapua ng huling NCAA title at pang-lima sa kabuuan noong 1991 tampok ang game-winning basket ni Benny Cheng kontra sa San Beda.
Iginiya ni Dong Vergeire ang St. Benilde sa korona noong 2000 sa likod nina Sunday Salvacion, Jondan Salvador, Al Magpayo at Mark Magsumbol laban sa San Sebastian.
Sina Randy Alcantara ng Cardinals at Charles Tiu ng Blazers ang maghaharap ngayong Season 100.
“Kung ano ‘yung preparation namin sa elimination, siguro mas dodoblehin pa namin at ‘yung details makuha namin during filming,” ani Alcantara sa Mapua na sasandal kina reigning MVP Clint Escamis, Cyrus Cuenco, Chris Hubilla, Lawrence Mangubat at Yam Concepcion.
Ngunit hindi lamang si Escamis ang dedepensahan ng St. Benilde, ayon kay Tiu.
Itatapat ng Taft-based team sina center Allen Liwag, Justine Sanchez, Tony Ynot, Jhomel Ancheta at Penny Estacio.
- Latest