PSC nag-heightened alert sa banta ni VP Sara vs Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Nag-heightened alert na ang Presidential Security Command (PSC) matapos ang pagbabanta ni Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa pahayag ng PSC, dahil na rin sa direktiba ni Executive Secretary Lucas Bersaminay mas pinaigting nila at pinatibay ang mga protokol at nakikipag-ugnayan na sa mga law enforcement agencies para matukoy, mapigilan at mapagtanggol laban sa anumang banta sa Pangulo at sa Pamilya ng Pangulo.
Sinabi pa ng PSC na anumang banta sa buhay ng Pangulo at ng Pamilya ng Pangulo, anuman ang pinagmulan nito lalo na ang mga banta na hayagang ipinahayag sa publiko ay itinuturing na seryosong usapin.
“We consider this a matter of national security and shall take all necessary measures to ensure the President’s safety”, pahayag ng PSC.
Sinabi naman ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez na ang direktiba ni Bersamin ay bunsod sa live video ni VP Duterte na sinasabing may ginawa na siyang arrangement para ipapatay ang mag-asawang Marcos gayundin si House Speaker Martin Romualdez kung mapapatay siya.
“Huwag kang mag-alala sa security ko kasi may kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kanya, ‘pag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez. No joke. No joke,” sagot ni Duterte sa tanong ng vlogger sa Zoom briefing nitong Sabado ng madaling araw.
“Nagbilin na ako, Ma’am. ‘Pag namatay ako, ‘wag ka tumigil hanggang hindi mo mapapatay sila. And then he said yes,” saad pa ng bise presidente.
- Latest