La Salle nagpasolido sa No. 2 spot
MANILA, Philippines — Tumibay ang kapit ng De La Salle University sa pangalawang puwesto ng team standings matapos nilang sibatin ang Ateneo De Manila University, 25-21, 25-17, 25-20 sa UAAP Season 87 volleyball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum, kahapon.
Umiskor si former Rookie-MVP Angel Anne Canino ng 16 points, lahat galing sa kills upang tulungan ang Taft-based team na ilista ang 7-3 karta at upuan ang second spot.
Solo sa tuktok ang defending champion National University na tangan ang 9-1 record.
Dinomina ng Lady Spikers ang Blue Eagles matapos magsanib-puwersa sa opensa sina Canino at Shevana Marie Nicola Laput na kumana ng 14 markers mula sa 12 kills at dalawang blocks.
Nakaraan lamang ay itinakbo si Canino sa hospital matapos nilang kalusin ang University of Sto. Tomas noong Sabado.
“I’m doing really good and I’m better na po. Binigyan din naman ako ng go signal and nagpahinga rin talaga ako kung anong kailangan na protocol, sinunod ko lang,” ani Canino.
Bumakas sa opensa para sa DLSU sina Amie Provido, Katrina Del Castillo at Alleiah Jan Malaluan na kumana ng siyam, walo at pitong puntos, ayon sa pagkakasunod.
Sa ikalawang laro, sumalo sa No. 3 spot ng team standings ang University of Sto. Tomas matapos nilang sakmalin ang Adamson University, 25-18,23-25, 22-25, 27-25, 15-8.
Tumikada si Angeline Poyos ng 27 marker para tulungan ang España-based squad na ilista ang 6-4 karta katabla ang FEU.
- Latest