MANILA, Philippines — Sadyang ayaw lubayan ng kamalasan ang mga Bolts.
Nakalasap ang Meralco ng 96-106 double overtime loss sa New Taipei Kings sa kanilang agawan para sa Final Four spot sa East Asia Super League (EASL) Home and Away Season 2 sa University of Taipei.
Nauna nang nasibak ang Bolts ng karibal na Ginebra Gin Kings sa quarterfinals ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Umiskor si import DJ Kennedy ng 21 points para sa Meralco na tumapos na may 2-4 record sa EASL.
Nagdagdag si Chris Newsome ng 17 points at humakot si reinforcement Akil Mitchell ng 15 points, 9 rebounds at 8 assists bagama’t may iniindang back spasm.
Hinablot naman ng New Taipei ang Final Four berth sa kanilang 4-2 marka.
Pinamunuan ni Asian import Saki Sakakini ang Kings sa kanyang 31 points at 12 rebounds at may 24 markers si Austin Daye.
Sumegunda ang New Taipei sa Group B sa likod ng top seed Ryukyu Golden Kings papasok sa semifinals.
Ang Group A ay binubuo ng No. 1 seed Hiroshima Dragonflies at No. 2 Taoyuan Pilots.
Kinuha ng Bolts ang 8-75 abante sa regulation bago ipinasok ni Daye ang panablang tres ng Kings sa huling 14 segundo para sa first overtime.
Dinala ni Jansen Rios ang Meralco sa second overtime, 91-91, matapos ikonekta ang tres bago tuluyang kapusin at sumuko sa New Taipei.