MANILA, Philippines — Pukpukan na ang ensayo ng Gilas Pilipinas upang masiguro na nasa magandang kundisyon ito bago sumabak sa 2nd International Friendly Basketball Championship na magsisimula sa Pebrero 14 sa Doha, Qatar.
Nasa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna na ang Gilas para sumailalim sa conditioning at ilang scrimmages kasama ang buong coaching staff sa pangunguna ni head coach Tim Cone.
Maingat ang coaching staff upang maiwasan ang anumang injury lalo pa’t galing sa PBA Season 49 Commissioner’s Cup quarterfinal series ang ilang players.
Kabilang na rito si naturalized player Justin Brownlee na siyang import ng Barangay Ginebra.
Kaya naman pinag-aaralan na ni Cone ang magiging game plan nito para hindi mabugbog ng husto si Brownlee.
“It’s gonna be tough. He’s going to Doha, and playing those games in between. That will keep him sharp but we have to make sure not to overuse him, so we’re really planning for load management with Justin,” ani Cone.
Maliban kay Brownlee, magiging salitan din sina AJ Edu at eight-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo.
“People may be wondering why they aren’t at the floor all the time in Doha but we plan to keep them fresh all the time going to New Zealand and Taiwan,” dagdag ni Cone.
Excited na si Brownlee na muling masuot ang Gilas Pilipinas jersey gayundin ang makasama nito ang mga teammates nito sa national team.
Kinuha ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sina RJ Abarrientos at Ralph Cu para makasama ng Gilas Pilipinas sa training camp sa Calamba.