MILWAUKEE, Philippines — Nagpasabog si guard Damian Lillard ng season-high 43 points bukod sa 8 assists at 7 rebounds para banderahan ang Bucks sa 135-127 pagsuwag sa Philadelphia 76ers.
Nag-ambag si Gary Trent Jr. ng season-high 23 points at humakot si Bobby Portis ng 18 points at 12 rebounds para sa ikalawang panalo ng Milwaukee (28-23) sa huli nilang pitong laro.
Naglaro ang home team na wala si two-time MVP Giannis Antetokounmpo na may strained left calf.
Hindi rin siya makakalaro hanggang sa All-Star break.
“When he’s not out there, I’ve got to assert myself and play a game that’s very familiar to me,” ani Lillard kay Antetokounmpo.
Tumipa si Kyle Kuzma, hinugot ng Bucks mula sa Washington Wizards kapalit ni Khris Middleton, ng 13 points, 8 rebounds at 5 assists.
Pinamunuan ni guard Tyrese Maxey ang Philadelphia (20-32) sa kanyang 39 points at nag-ambag sina Joel Embiid at Guerschon Yabusele ng 27 at 18 markers, ayon sa pagkakasunod.
Mula sa dikitang first half ay kumawala ang Bucks at nagtayo ng isang 25-point lead sa fourth quarter.
Sa Houston, umiskor si Dillon Brooks ng 19 points sa 94-87 paggupo ng Rockets (33-20) sa Toronto Raptors (16-37).
Sa Detroit, naglista si Cade Cunningham ng triple-double na 19 points, 12 assists at 10 rebounds para gabayan ang Pistons (27-26) sa 112-102 pagpapatumba sa Charlotte Hornets (13-37).