MANILA, Philippines - Apat na commercial teams at dalawang collegiate squads ang magpapang-abot sa ikalawang Shakey’s V-League Open tournament na magbubukas sa Agosto 19 sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang Philippine Army ang siyang nagdedepensang kampeon at bagamat magpaparada pa rin ng solidong line-up, tiyak na dadaan sila sa butas ng karayom dahil sa matinding hamon mula sa ibang kasali.
Magbabalik din ang Philipine Navy habang ang Cagayan Province at Sandugo Sandals ang mga bagong commercial teams na kalahok.
Ang first conference champion Ateneo at Far Eastern University ang mga collegiate teams na bubuo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza bukod pa sa ACCEL at Mikasa.
“We expect another slam-bang volley action in this upcoming tournament with Sandugo looming as the team to watch although Army and Ateneo remain formidable and the three others capable of pulling off surprises,” wika ni Sports Vision president Ricky Palou.
Ang Shakey’s Pizza ay muling tutulong dahil nais nilang tuluyan pang maitaas ang antas ng women’s volleyball sa bansa.
Ang liga ay dating inilalaro sa The Arena sa San Juan pero naniniwala ang nagpapalaro na tatauhin din ang Ninoy Aquino Stadium dahil madali rin itong puntahan.
Napapaboran ang Sandugo Sandals dahil nasa koponan ang multi-titled coach Roger Gorayeb na iniwan muna ang Ateneo matapos niyang pagkampeonin ito sa first conference.
Single round robin ang eliminasyon at isang best of three ang crossover semifinals na katatampukan ng mangungunang apat na koponan. Ang finals ay isa ring best of three series.