Altas, Lions asam ang liderato

MANILA, Philippines - Sisikapin ng San Beda at Perpetual Help na ma­kahulagpos sa apat na ko­po­nan na nasa unahang puwesto sa pagbangga sa magkaibang katunggali sa 88th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Katunggali ng Lions ang Emilio Aguinaldo College sa unang tagisan sa alas-4 ng hapon bago sumalang ang Altas kontra sa St. Benilde dakong alas-6 ng gabi.

Ang Lions at Altas ay kasalo ng San Sebastian at Jose Rizal University na may iisang 3-1 karta at tiyak na nais ng dalawang ito na manalo pa para mapanatili ang kapit sa unahan sa 10-koponang liga.

Galing ang Lions sa 59-53 panalo laban sa Bla­zers ngunit mas mabangis ang koponan ngayon dahil sasabak na sa aksyon si Nigerian import Ola Adeogun matapos silbihan ang apat na larong suspensyon dulot ng gulong kinasangkutan noong nakaraang taon.?

Mataas din ang morale ng Altas dahil ginulantang nila ang Lions sa 88-87 sa overtime noong Hulyo 12.

“Malaking isda ang nahuli namin at makakatulong ito para lalong tumaas ang kumpiyansa ng mga bata,” pahayag ng beteranong head coach ng Altas na si Aric Del Rosario.

Nais naman ng Blazers na bumangon agad mula sa kabiguan ngunit dapat silang maging handa sa inaasahang matinding laro mula kina Jet Vidal at Earl Thompson bukod pa sa mga imports na sina 6’6 Femi Babayemi at 6’2’ Nicolas Omorogbe.

“I’m very optimistic that the boys will do their best to be on top. This is a good start and hopefully, we can maintain our stature till the end of the season,” wika naman ni UPH President Anthony Tamayo.  

Show comments