MANILA, Philippines - Itatakbo sa Setyembre ang 2012 Run for the Pasig River na may pangakong hihigitan ang bilang ng mga tumakbo noong nakaraang taon.
Sa Quezon City na gagawin ang non-competitive run sa Setyembre 30 at inaasahang dadagsain ito ng mga taong nakikiisa sa paglilinis ng Ilog Pasig dahil binuksan na rin ito sa mga taong mahihilig sa bike at skate board.
Ang mga puwedeng salihan ay ang 15K Commonweath Challenge na bukas para sa mga mananakbo, bikers at skateboard riders, at 5K.
“Binuksan namin ang pintuan para sa mga bikers at skateboarders dahil kahit sila ay nais na makiisa sa makabuluhang proyekto na ito na ginagawa ng ABS-CBN Foundation gamit ang Kapit Bisig Para sa Ilog Pasig,” wika ni Eric Imperio na isa sa apat na race directors na dumalo sa paglulunsad ng event kahapon sa Garden Ballroom ng Shangri-La Hotel.
Naroroon din si ABS-CBN Foundation managing director Gina Lopez bukod pa kay Quezon City Mayor Herbert Bautista na ipinarating ang mainit na pagpapasalamat at dinala ang fun run sa kanilang lugar na may apat na malalaking estero na tumutuloy sa Ilog Pasig.
Ang mga esterong ito ang lilinisin sa taong ito mula sa pondong makukuha gamit ang registration fees na nasa P150 sa mga estudyante at P300 sa di estudyante na sasali sa 5K, P750 para sa mga bikers at skateboarders at P1,200 sa mga tatakbo sa 15K run.
Para hindi magkaroon ng problema, unang patatakbuhin ang mga bikers at skateboarders sa alas-4 ng umaga at 10 minuto matapos nito ay saka lalarga ang mga runners sa 15K. Ang mga 5K runners ay gagalaw sa alas-6.
Ito na ang ikaapat na taon na nagdaraos ng Pasig River Run at noong 2010 ay nailagay sa Guinness Book of World Records ang patakbo nang pumalo sa 116,087 bilang. 011. (AT)