MANILA, Philippines - Anim na kalalakihan at dalawang kababaihang swimmers ang magtatangka na makapasok sa London Olympics sa pagsali sa Southeast Asian Swimming Championships sa Hunyo sa Singapore.
Ang mga tinapik ay sina Ryan Arabejo, Charles Walker, Kendrick Uy, Ivan Uy, Jessie King Lacuna at Daniel Coakley sa kalalakihan at Jasmine Alkhaldi at Jasmin Ong.
Nananalig si swimming president Mark Joseph na magagawa ng walong swimmers na maabot ang qualifying times sa mga events na lalahukan para makatiyak ng puwesto ang Pilipinas sa Olympics.
Ayon kay Joseph, hindi pa tiyak kung mabibigyan ng puwesto ang Pilipinas dahil ang palalanguyin lamang ng FINA sa Olympics ay ang top 900 swimmers ng bawat events.
“Swimming is a mandatory sport that mean’s it will always be included in every games. But it does not mean that every country can send two competitors like before or like athletics. Swimming will only have 900 qualifiers maximum so to be in London, you need to be in the top 900,” paliwanag ni Joseph.
Pero ayon kay Chief of Mission Manny Lopez, magbibigay pa ang FINA ng wild card slots sa mga bansang di makakapag-qualify.
“Meron pa. It is under the universality places. At the very least ay dalawa pa ang maipapadala natin,” wika ni Lopez.
Anuman ang maging desisyon ng FINA ay inaasahan naman na hindi iaasa ng mga swimmers ng nabanggit ang kanilang tsansa sa wild card at tiyak na pupukpok upang makuha ang qualifying times at opisyal na masama sa talaan ng manlalaro sa London.