Sina Suarez, Ladon na lang ang nalalabing pag-asa ng Pinas

MANILA, Philippines - Naiwan na lamang kina SEA Games gold meda­list Charly Suarez at Joe­gin Ladon ang laban para makapagpadala pa ng boksingero ang Pilipinas sa London Olympics.

Ito ay matapos magsi­pa­nalo sina Suarez at La­­don sa kanilang mga la­ban upang pawiin ang mga pagkatalo nina Rey Saludar, Dennis Galvan at Wilfredo Lopez sa idinadaos na Asian Olympic Quali­fying tournament sa Astana, Kazakhstan.

Si Suarez na sumalang din sa World Series of Bo­xing ay humirit ng 14-11 pa­nalo laban kay Asian Championships bronze medalist Madadi Nagzibekov ng Tajikistan sa lightweight habang si Ladon na bumaba mula lightweight tungo sa bantam, ay humirit ng 8-18 tagumpay laban kay Seif Emad Qraish ng Jordan.

Sunod na laban ni Sua­rez ay kontra kay Abdilai Anarbai ng Kyrgyzstan habang si Zhang Jiawei ng China ang makakasukatan ni Ladon.

Hindi naipakita ni Saludar ang Asian Games gold medalist sa Guangzhou China ang dating porma nang lasapin ang second round RSC pagkatalo kay Tugstsogt Nayambayar ng Mongolia sa flyweight.

Lumabas naman ang pagkabagito ni Galvan, gold medalist sa SEA Games sa tinamong 8-18 pagkatalo kay Kim Chol Song ng Korea sa light welterweight habang sa 10-20 iskor yumuko ang welterweight na si Lopez kontra kay Qiong Maitituersen ng China.

Ito na ang huling Olympic qualifying tournament para sa Asia at ang Pilipinas ay naghahabol pa dahil tanging si Mark Anthony Barriga pa lamang ang nakapasok sa light flyweight division.

Show comments