MANILA, Philippines - Apat pang Filipino cue artists ang nakalusot sa Group elimination sa idinadaos na 2012 World 8-Ball Championship sa Fujairah Tennis and Country Club, United Arab Emirates.
Sina Roberto Gomez at Raymund Faraon ay hindi natalo sa kanilang nilahukang grupo at sila ay sinamahan nina Elvis Calasang at Demosthenes Pulpul na nakausad naman mula sa loser’s bracket.
Naglaro sa Group M, si Gomez na nag-bye sa first round ay nanaig kay Luke Rollinson ng Great Britain, 7-3, habang si Faraon ay naunang nanalo kay Ahmed Al Hosani ng UAE, 7-1, bago isinunod si Nick Van den Berg ng Netherlads, 7-4, para umabante ng hindi natatalo sa Group N.
Si Calasang na yumukod sa kababayan na si Joven Alba sa pangunguna sa winner’s bracket sa Group F ay nanaig laban kay Hanni Al-Howri, 7-5, habang si Pulpul na natalo kay Mark Grey, 3-7, ay bumawi laban kay Albin Ouschan, 7-6, para umabante mula sa Group J.
Nasamahan ng nabanggit na pool players sina nagdedepensang kampeon Dennis Orcollo, Lee Van Corteza at Joven Alba na naunang pumasok mula sa winner’s group.
Sunod na tagisan ay sa knockout stage at kalaban ni Orcollo sa unang round si Nasser Al Mujaibel na kanyang dinaig, 7-4, sa Group I.
Si Faraon ay mapapalaban kay Ko Pin-yi, si Corteza laban kay Lee Chan Man, si Pulpul laban kay Yong Hwang at si Alba laban kay Ahmad Jallad.