MANILA, Philippines - Pipilitin ni Francisco “Django” Bustamante na ibangon ang laban ng mga pinagpipitaganang cue artist ng Pilipinas sa idinadaos na Philippine Bigtime Billiards (PBB) Face Off Series sa paggapi kay Daryl Peach ng Great Britain ngayong gabi sa PAGCOR Airport Casino sa Parañaque City.
Si Bustamante ang ikatlong pambato ng bansa na sasalang sa one-day tournament na ito at nais niyang wakasan ang mga panalong nakuha ng mga dayuhan.
Yumukod sina Dennis Orcollo at Carlo Biado kay Ralf Souquet ng Germany habang si Peach ay nanalo na rin kay Ronato Alcano noong nakaraang Sabado.
“Sa pagkakataong ito ay mananalo naman tayo,” ani ng 47-anyos na si Bustamante na WPA World 9-ball Championships champion pero nag-uwi lamang ng bronze medal sa katatapos na 26th SEA Games sa Indonesia.
Pabor naman ang odds kay Bustamante dahil ang $1 taya ay maghahatid ng $1.48 dibidendo kumpara sa $2.15 na ibibigay sa $1 kapag nanaig si Peach.
“I’m looking for another impressive performance against Bustamante,” wika ng 39-anyos na si Peach.
Inorganisa ng Mega Sports World at BRKHRD Corp. at mapapanood sa internet gamit ang www.megasportsworld.com, www.philippinebigtimebilliards.com, at www.starbilliards.com.ph, at sa mga Solar Sports, Sky Channel 70 at Destiny Channel 34, ang laro ay isang race to 9 winner’s break sa larong 10-ball kaya’t magiging balikatan ang bakbakan.