MANILA, Philippines - Nalimitahan si American import Lauren Ford sa personal low nitong 5 points sa 9-25, 20-25, 16-25 pagyukod ng San Sebastian College-Recoletos sa Philippine Army sa Game One ng kanilang best-of-three championship series para sa Shakey’s V-League Open Conference noong Linggo.
Sinabi ng 6-foot-1 na si Ford na pipilitin niyang makabawi sa nasabing malamya niyang laro upang maitabla ang Lady Stags sa Lady Troopers sa Game Two bukas sa The Arena sa San Juan.
Si Ford ang siyang naging kamador ng San Sebastian, ang 2008 second conference champion, mula sa kanyang pagiging leading scorer at spiker ng torneo.
Sa Final Four kung saan winalis ng Lady Stags ang Lady Sailors ng Philippine Navy, humataw si Ford, hinirang na Most Valuable Player at Best Scorer ng average na league-leading 18.9-point norm.
Muli namang makakatuwang ni Ford si Thai reinforcement Jeng Bualee bukod pa kina Rubie de Leon, Joy Benito, Dahlia Robinos at Jennifer Manzano.
Ang San Sebastian ay nadepensahan sa net nina Mary Jean Balse at Rachel Ann Daquis na nagtumpok ng pinagsamang anim na block sa kabuuang 10 ng Army.
Maliban kina Balse at Daquis, muling ibabandera ng Lady Troopers ang magkapatid na sina Michelle at Marietta Carolnio, Joanne Bunag at Cristina Salak.
Para sa third place trophy, pipilitin naman ng Ateneo De Manila University na walisin ang Navy matapos angkinin ang Game One via 25-22, 23-25, 25-19, 14-255, 15-8 victory.