MANILA, Philippines - Nilimita ang Tropang Texters sa season-low 9 points sa first period, sinamantala ang hindi paglalaro ni Jayson Castro bunga ng right knee injury at inalagaan ang malaking bentahe sa final canto.
Ito ang ginawa ng Boosters upang makalapit sa kanilang pang 19th PBA championship.
Sumandal kina import Anthony Grundy, two-time PBA Most Valuable Player Danny Ildefonso, Best Player of the Conference Arwind Santos at Alex Cabagnot sa fourth quarter, tinalo ng Petron Blaze ang Talk ‘N Text, 93-80, sa Game Five upang kunin ang 3-2 lamang sa kanilang best-of-seven championship series para sa 2011 PBA Governors Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Ang panalo ng Boosters sa Tropang Texters sa Game Six bukas ang tuluyan nang magbibigay sa kanila ng korona.
“We’ll see. Titingnan muna namin ‘yung video kung ano ‘yung mga adjustments na gagawin namin sa Game Six,” sabi ni coach Ato Agustin. “Napakalaking bagay na wala si Jayson. Siguro ‘yon ang one of the reason why na nanalo kami sa kanila. Pero sa Friday, we expect him to play.”
Matapos kunin ang 47-38 lamang sa first half, isang 11-3 atake ang inilunsad ng Petron para iposte ang isang 17-point lead, 58-41, sa 7:58 ng third period bago ilista ang pinakamalaki nilang bentahe sa 18, 70-52, sa 2:25 nito mula sa three-point shot ni Grundy.
Nakalapit naman ang Talk ‘N Text sa 69-77 buhat sa kanilang 11-4 ratsada, tampok rito ang dalawang tres ni Ranidel De Ocampo at isa ni Larry Fonacier, sa 7:38 ng fourth quarter.
Huling nakadikit ang Tropang Texters sa 73-81 sa 534 ng laro galing sa dalawang sunod na basket nina import Scottie Reynolds at Ryan Reyes kasunod ang dalawang jumper ni Ildefonso para ilayo ang Boosters sa 85-73 sa huling 2:19 nito.
“The fatigue factor is creeping in. Our two best three-point shooters, Jimmy Alapag and Scottie Reynolds, are combined 0-of-14,” sabi ni Talk ‘N Text mentor Chot Reyes.
Nauna rito, kaagad na kinuha ng Petron ang 12-5 lamang sa 2:48 ng first period papunta sa isang 10-point lead, 19-9, sa pagsasara nito na tinampukan ng dalawang slam dunk ni Santos.
Petron 93 - Grundy 26, Santos 20, Ildefonso 13, Miranda 11, Cabagnot 7, Duncil 6, Hubalde 3, Salvacion 3, Baclao 2, Guevarra 2, Pennisi 0.
Talk ‘N Text 80 - Reyes 14, Williams 13, Peek 11, Fonacier 9, De Ocampo 8, Carey 8, Alapag 8, Reynolds 5, Dillinger 2, Aban 2.
Quarterscores: 19-9, 47-38, 73-58, 93-80.