MANILA, Philippines - Binibigyan ng hanggang katapusan ng buwang kasalukuyan ang organizers ng US 9-Ball Open na magbayad sa kanilang pagkakautang sa mga lumahok noong nakaraang taon.
Kapag hindi nakatalima ay mapipilitang mag-boycott ang mga mahuhusay na bilyarista na kasapi ng Association of Billiards Professionals (ABP).
Kasama sa ABP ang mga mahuhusay na pool players ng bansa tulad nina Efren “Bata” Reyes, Francisco Bustamante, Alex Pagulayan, Dennis Orcollo, Lee Van Corteza, Roberto Gomez, Antonio Lining at Warren Kiamco.
“Nagkaroon ng problema sa nagdaang US 9-Ball dahil hindi nabayaran ang nanalo at iba pang tumapos sa top ten. Hindi naman tayo masyadong apektado dahil hindi maganda ang inilaro ng mga players natin pero mahirap nang sumugal. Kaya hanggang katapusan ng buwan ang palugit na ibinibigay ng ABP para magbayad ang organizers ng US 9-Ball,” wika ni i Perry Mariano.
Ang ABP ay pinangungunahan ni Johnny Archer at kabilang sa mga director nito ay sina 2-time US Open 9-Ball champion Mika Immonen na suportado ang aksyon ng grupo.
“It is with sadness that I must withdraw from one of my favorite tournaments ever. In doing so, I hope the sacrifices we are making raises the standard of the elements that our beautiful sport lacks. The ABP’s goals are to the benefit of the sport and to restore the confidence of cooperation between players, associations and promoters alike. I stand behind the vision fully,” wika ni Immonen.
Nais ng ABP na tuluyang maisaayos ang mga pro tournaments upang matiyak na ang paghihirap ng mga bilyarista ay masusuklian ng pagbibigay ng karampatang premyo base na ipinalalabas na pahayag ng nagpapalaro.
Ang US 9-Ball na nakatakdang gawin sa buwan ng Oktubre ay hawak ni Barry Behrman at tiniyak niyang ginawan na ng paraan para malutas ang problema at matiyak na magiging makinang pa rin ang kompetisyong ginagamit naman ng World Pool Association (WPA) bilang isa sa mga torneo para madetermina ang numero unong player sa mundo.