MANILA, Philippines - Habang napatalsik na ang nagdedepensang si Mika Immonen ng Finland, patuloy naman sa pag-arangkada sina Filipino pride Ronato Alcano, Dennis Orcollo at Carlo Biado sa round-of-32 sa ikaapat na araw ng 2011 WPA World Ten Ball Championship kahapon sa World Trade Center.
Kaagad na kinuha ang 7-0 lamang, madaling iginupo ng world 8-ball at 9-ball champion na si Alcano ang kababayang si Demosthenes Pulpul, 9-2,
“Kumpara sa mga nakaraang laro ko, sa tingin ko mas maganda ngayon,” sabi ng tubong Calamba, Laguna na si Alcano sa kanyang paggupo kay Pulpul, semifinalist sa inaugural staging ng WTBC noong 2008. “Hopefully, mas maganda pa ang ilaro ko sa next stage.”
Ang dating caddy sa golf na si Biado, tinalo si Roberto Gomez, 9-6, ang makakasukatan ni Alcano sa round-of-32.
Pinadapa naman ng world 8-ball king na si Orcollo si Mario Morra ng Canada, 9-6.
Natalo si Immonen kay Tomoo Takano ng Japan, 7-9, habang pinayukod naman ni American Johnny Archers si Liu Hai Tao ng China, 9-6, at sinibak ni Darren Appleton ng Great Britain ang 15-anyos na si Ko Pin Chung ng Chinese-Taipei, 9-7.
“I was lucky. He missed the No. 10 twice and then he missed the No.5, which was crucial,” wika ni Takano, nagmula sa qualifying stage sa Star Mall noong nakaraang linggo, sa sablay ng two-time world champion na si Immonen na nagbigay sa kanya ng 7-0 lamang.
Nang makalapit si Immonen sa 7-8, naimintis ng Finnish ang No. 5 ball sa corner na sinamantala ni Takano para kunin ang tagumpay.
Maliban kina Pulpul at Gomez, napatalsik na rin sina Antonio Gabica, Jeff De Luna, Venancio Tanio at ang 17-anyos na si Jonas Magpantay.
Binigo ni Manuel Pereira ng Portugal si Gabica, 9-8, samantalang pinayukod ni Ricky Yang, ang Philippine Open Pool titlist, ng Indonesia si De Luna, 9-3, pinayukod ni Shane Van Boeing ng United States si Tanio, 9-7, at iginupo ni Lo Liwen ng Japan si Magpantay, 9-6.
Ang iba pang pumasok sa round-of-32 ay sina Chang Yu Lung ng Taipei, Marcus Chamat ng Sweden, Chris Melling ng Great Britain, Yukio Akakariyama ng Japan, Sascha Tege ng Germany, Kason Klatt ng Canada, Alok Kumar ng India, Oliver Ortman ng Germany, Tony Dragon ng Malta, Huidji See ng Netherlands, Ko Pin Yi ng Taipei, Dang Jinhu ng China, Daryl Peach ng Great Britain at Wu Jiaqing ng China.