Pinoy bets nalagas agad

MANILA, Philippines - Tinalo ng mga lahok ng Chinese Taipei ang mga ipi­nagmamalaki ng Pilipinas sa pagsisimula ng Philippine Open Pool Championships qualifying nitong Huwebes sa Star Billiards Center sa Quezon City.

Dominado ni Chang Yu Lung si Joven Bus­ta­mante, 9-2, sa unang qualifying bago sumunod si Fu Che Wei nang kunin ang 9-2 tagumpay kay Mario Tolentino sa ikalawang round.

Ang qualifying event ay gagawin mula Abril 1 hanggang 5 na kung saan 10 kalalakihan at 4 na kaba­baihan ang uusad sa main event na ilalarga mula Abril 7 hanggang 11 sa SM Mega­mall MegatradeHall.

Si Chang ay kampeon ng China Open noong 2010 habang si Fu ay isang semifinalist sa 2006 World Pool Championship sa Manila.

Bago hinarap si Chang, si Bustamante na pu­ma­ngat­lo sa World 8-Ball Championship noong 2007 na pinagharian ng kababa­yang si Ronato Alcano, ay nanalo muna sa isa pang Tai­wanese player na si Pei Wei Cheng sa semifinals.

Ngunit tila naubos ang hu­say ni Bustamante sa Finals dahil hindi niya nasa­bayan ang matikas na laro ni Chang na kinuha ang walo sa huling siyam na racks na pinaglabanan.

Ganito rin ang ginawa ni Fu kay Tolentino na nalusutan ang kababayang si Rodrigo Geronimo sa semis sa 7-6 iskor.

Limang sunod na racks ang ipinanalo ni Fu upang lumayo matapos ang kati­ting na 3-2 kalamangan.

Ininda rin ni Tolentino ang maraming errors sa laro para mabigo sa hangarin na ma­ging kauna-unahang Pi­noy na umusad sa main event mula sa qualifying round.

Show comments