MANILA, Philippines - Pinababalik na ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pagsasanay ang mga national athletes simula sa Enero 15.
Ito ang inihayag kahapon ni PSC chairman Richie Garcia sa panayam ng DZSR Sports Radio kaugnay sa maagang paghahanda ng mga atleta para sa 26th Southeast Asian Games sa Indonesia.
“We will start early. I have already called on the athletes to report back by January 15 and start their training for the forthcoming 2011 Southeast Asian Games as well as for the qualifying events for the 2011 Olympic Games in London,” ani Garcia.
Nakatakda ang 2011 SEA Games sa Nobyembre 11 sa Palembang, Indonesia.
Ito ang pang apat na pagkakataon na pangangasiwaan ng Indonesia ang naturang biennial event matapos noong 1979, 1987 at 1997 kung saan ang 21 sa kabuuang 44 sports events ay hahawakan ng Palembang.
Hangad ni Garcia na mapaganda ang performance ng bansa sa 2011 SEA Games matapos mahulog sa pang lima sa overall standings sa nakolektang 38 gold, 35 silver at 51 bronze medals.
“We will give it all kung ano talaga ang magagawa namin for our athletes to perform well in the 2011 Southeast Asian Games,” pangako ni Garcia.
Kasama sa plano ng sports commission ay ang pagbibigay sa mga atleta ng disenteng dormitoryo, sapat na pagkain, monthly allowance at international exposure.
“Let’s put our feet down and look at this situation seriously and do something about it,” sabi ni Garcia matapos sorpresang bisitahin ang ilang dormitoryo ng mga atleta sa maalamat nang Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila.
“May mga tao na akong pinapunta doon to determine kung sinong mga atleta ang dapat nang mailipat ng dormitory kaagad,” wika ng PSC chief.
Bukod sa RMSC, ititira rin ng komisyon ang mga atleta sa Philsports Arena sa Pasig City.
Maliban sa 2011 SEA Games sa Jakarta, ilalahad rin ni Garcia sa mga National Sports Assocations (NSA)s ang kanilang mga lalahukang qualifying tournaments para sa 2012 Olympic Games sa London.
“We will also sit down with the NSAs kung ano ba talaga ang mga priority tournaments na sasalihan nila to qualify for the 2012 Olympic Games,” wika ni Garcia.