MANILA, Philippines - Dalawang buwan matapos ang kanilang laban, wala pa rin sa tamang kondisyon si Mexican Antonio Margarito.
Sinabi kahapon ni co-manager Francisco Espinoza na makikipagkita sila ni Margarito sa isang opthalmologist sa Enero 5 upang ipakonsulta ang kanang mata ng 5-foot-11 fighter.
“We have an appointment on the 5th of January with an opthalmologist here in Los Angeles because he had his blood checked,” wika ni Espinoza sa Mexican boxer. “And the most important consideration is from the plastic surgeon from Dallas who did the surgery. “
Umaasa si Espinoza na makakabalik na si Margarito sa training bago matapos ang buwan upang paghandaan ang kanilang rematch ni Miguel Cotto ng Puerto Rico sa Hunyo sa New York City.
Tinalo ni Margarito si Cotto via 11th-round TKO sa kanilang World Boxing Organization (WBO) welterweight championship fight noong 2008.
“By the 29th of January, hopefully he gives us the ok to start training. Tony would then be ready to face Cotto by June,” dagdag ni Espinoza.
Nagkaroon si Margarito ng fractured orbital bone malapit sa kanyang mata sa kanilang upakan ng 5’6 na si Manny Pacquiao noong Nobyembre 14 ng nakaraang taon sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
Tinalo ng 32-anyos na si Pacquiao ang 33-anyos na si Margarito via unanimous decision upang angkinin ang bakanteng World Boxing Council (WBC) light middleweight crown.
Bago sagupain ni Margarito si Cotto, itataya muna ng Puerto Rican ang kanyang suot na World Boxing Association (WB) light middleweight belt laban kay Ricardo Mayorga sa Marso 12 sa Las Vegas, Nevada.
Ayon kay Espinoza, maaari nang malagay sa tamang kondisyon si Margarito sa Mayo o Hunyo.
“I think he could then go back to the gym to prepare for two to three months and be fine by May or June,” sabi ni Espinoza.
Nakatakdang itaya ni Pacquiao ang kanyang suot na WBO welterweight belt laban sa 39-anyos na si Sugar Shane Mosley sa Mayo 7 sa MGM Grand sa Las Vegas.