MANILA, Philippines - Bago pa ang kanilang salpukan ay may sinasabing drama na nangyari sa dressing room nina Manny Pacquiao at Antonio Margarito sa Cowboys Stadioum sa Arlington, Texas.
Ilan rito ay ang kagustuhan ni trainer Freddie Roach na pilitin ang kampo ni Margarito na tanggalin ang balbas ng Mexican fighter.
Ngunit sinabi ni Pacquiao na mas magiging madali para sa kanyang puntiryahin ang mukha ni Margarito kapag may balbas ito.
Isang taping-related issue naman ang lumitaw matapos iparamdam ni trai-ner Robert Garcia na ulitin ang paglalagay ng tape sa mga kamao ni Pacquiao sa hindi malamang dahilan.
At ang huli ay ang alegasyon ni Roach na gumagamit si Margarito ng Ephedra, isang banned stimulant.
Ayon sa isang miyembro ng team Pacquiao, nahuli ni Billy Keane ang Mexican na naghahanda ng isang inumin na may halong illegal substance na nakalagay sa isang maliit na bote.
“The Pacquiao camp protested and words were exchanged. So we called in the commission,” wika ni Bob Arum matapos ang laban.
Si Keane ay nasa dressing room upang panoorin ang ginagawang pagbabalot ng tape sa mga kamay ni Margarito.
At dahil sa pangyayari, posibleng ipilit ni Roach sa kampo ni Margarito ang sumailalim ang boxer sa urinalysis na maaaring gawin matapos ang laban.