MANILA, Philippines - Tumabla lamang si Filipino GM Wesley So kay top seed GM Zoltan Almasi ng Hungary sa huling round ng labanan upang makontento lamang sa ikaapat na puwesto sa pagtatapos ng 2010 SPICE (Susan Polgar Institute for Chess Excelence) Group A tournament nitong Lunes sa Texas Tech University.
Umabot sa 41 sulungan gamit ang Four Knights Kingside Fianchetto nang magkasundo sina Almasi at So na magtabla na lamang.
Dahil dito, nagtapos ang dalawang chess players taglay ang tig-14 puntos para magsalo sa ikatlong puwesto. Pero mas mataas ang nakuhang puntos ni Almasi sa tiebreak para makuha ang ikatlong puwesto.
Ito ang ikalawang sunod na taon na pumang-apat si So sa nasabing kompetisyon.
Tinalo naman ni GM Alexander Onsichuk ang kababayang si GM Ray Robson para makuha ang titulo gamit ang 18 puntos. Ito ang ikalawang titulo ni Onsichuk sa huling tatlong taon ng torneo.
Si German GM Georg Meier na dating nangunguna sa torneo ay nakontento sa ikalawang puwesto, napag-iwanan ng isang puntos kay Onischuk, nang tumabla lamang ito kay US GM Eugene Perelshteyn.
Ang paglahok ni So sa torneo ay may basbas ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) at tune-up bago ito tumulak para pangunahan ang national chess team na lalahok sa Asiad sa Guangzhou, China.