MANILA, Philippines - Bagaman hindi nakapaglaro sa loob ng isang linggo, nagawa pa ring mailusot ng Ateneo ang isang five-set win laban sa Lyceum sa pagpapatuloy ng umaatikabong aksyon sa Shakey’s V-League Season 7 second conference kamakalawa ng gabi sa The Arena sa San Juan.
Pinadapa ng Lady Eagles ang Lady Pirates sa pamamagitan ng 25-25-10, 17-25, 16-25, 25-22, 15-12 five-set na panalo upang sumampa sa solo third place sa ligang inorganisa ng Sports Vision at iniisponsoran ng Shakey’s Pizza.
Muli na namang inangklahan ni Thai import Surasawadee Boonyuen ang atake ng Katipunan-based spikers sa kanyang inirehistrong 23 points habang inalalayan siya nina Kara Acevedo at Dzi Gervacio na pawang may tig-sampung puntos. May pitong puntos naman si Fille Cainglet.
Namuno naman para sa Muralla-based volley belles si former MVP Mary Jean Balse na mayroong 27 points habang ang isa pang guest player na si Dahlia Cruz ay may 20 points at si Joy Cases naman ay mayroong tig-13 points.
Lalong dumikit ang Ateneo upang maselyuhan na ang ikatlong upuan sa quarterfinals ng season-ending conference ng premyadong volleyball league sa bansa.
Iniangat ng Lady Eagles ang kanilang record sa 3-1 win-loss card para sumampa sa third place sa likod ng league leading San Sebastian (5-1) at Adamson (4-2) habang nahulog naman sa ikalimang puwesto ang Lyceum na may 3-3 panalo-talo karta.