MANILA, Philippines - Nagbaga ang opensa ng Misamis Oriental sa ikatlong yugto para sa 98-68 pagdurog sa host Mandaue sa pagpapatuloy ng fourth leg ng Tournament of the Philippines nitong Miyerkules sa Cebu Coliseum.
Isang 24-7 bomba na pinagningas ng siyam na errors ng Land Masters. ang siyang pinakawalan ng Meteors upang ilayo ang sarili sa 64-48 matapos ang ikatlong yugto na nagtiyak sa paghablot ng ikalawang sunod na panalo at angkinin ang isang puwesto sa finals.
Nangyari ang run matapos ibigay ni Chris Diputado ang 41-40 kalamangan sa kanyang koponan sa isang tres.
Bagamat nasa Finals na ay nais pa rin ni Misamis na walisin ang elims upang makuha ang karagdagang dalawang puntos para mapalaki ang tsansang makakuha ng magandang puwesto sa quarterfinals.
Nakisalo naman sa MisOr ang ANI-FCA na tinapos ang 12 sunod na kabiguan sa kahanga-hangang 104-82 pangingibabaw sa MP Pacman Gensan sa isang laro.
Dinomina ng Cultivators na may 0-5 record sa torneo upang maisama sa 0-7 karta sa PBL noong Marso, ang halos kabuuan ng departamento ng laban upang katampukan ang unang tagumpay.