MANILA, Philippines - Pangatawan ang pagiging number one at two seeds ang nais gawin ng Manila at Cebu sa pagsisimula ng Playoff sa Dunkin’ Donuts Baseball Philippines Series VI ngayon sa Felino Marcelino Memorial Stadium sa Taguig City.
Tinapos ng Sharks at Dolphins ang single round robin tangan ang 4-1 panalo-talo karta para maisubi ang mahalagang twice to beat advantage sa semifinals.
Nakuha lamang ng Manila ang number one seeding sa bisa ng 8-7, panalo sa Cebu.
Kalaban ng Sharks na pumangalawa sa Series V, ang number four team na Alabang (2-3) sa ganap na alas-9 ng umaga bago sundan ng pagtutuos ng Cebu at number three Batangas (3-2) dakong ala-1 ng hapon.
Dinurog ng Manila ang Alabang sa natatanging pagkikita, 15-7, upang maging patok sa hangaring makaabante agad sa Finals.
“Hindi kami nagkukumpiyansa. Alam naman natin ang nangyari sa amin sa laro sa Pampanga. Kaya kailangang focus ang isipan ng mga bata,” wika ni Manila team manager Jhoel Palanog.
Ang bagitong koponan na Pampanga ang natatanging koponan na nagpatikim ng kabiguan sa Sharks, 5-7.
Bentahe naman ang Cebu sa nagdedepensang Bulls matapos ang 11-8 panalo na kinuha sa huling laro noong Linggo.