MANILA, Philippines - Asahan na isang mabangis na Nonito Donaire Jr. ang masisilayan sa pagsampa niya sa ring upang kaharapin si Hernan Marquez ng Mexico sa Hulyo 10.
Ang laban ay gagawin sa Coliseo Jose Miguel Agrelot, Puerto Rico at ito ay para sa interim WBA World super flyweight title.
Ikalawang laban ito ni Donaire sa taong ito matapos ang third round KO panalo laban kay Manuel Vargas nitong Pebrero 13 sa Las Vegas Nevada at makakatiyak na mainit ang labang masisilayan sa Filipino boxer dahil sa ngitngit na nararamdaman.
Inis si Donaire dahil hindi natuloy ang mga pinangarap niyang malalaking laban kontra kina Vic Darchinyan at Eric Morel.
“I can’t explain the frustration I feel when the good names refuse to fight me,” wika ni Donaire.
“I wish I could find someone like me who is elated to fight anyone and everyone especially the top dogs. I want to prove my worth in the pound for pound and it seems like no one wants to step in the ring to test it out,” dagdag pa nito.
Si Darchinyan ay naunang sinabing handa nang labanan uli si Donaire pero nagbago ng isip habang si Morel naman ay ayaw pang kaharapin ang Filipino Flush.
Si Fernando Montiel na kampeon sa WBC bantamweight division ay pinangalanan na si Donaire na nais niyang masubok pero mangyayari ito matapos ang kani-kanilang mga susunod na laban.
Si Montiel ay magtataya sa unang pagkakataon ng depensa sa suot niyang WBC title na inagaw kay Hozumi Hezagawa nitong Abril 30 laban kay Rafael Concepcion sa Hulyo 17.
Si Concepcion ang tinalo ni Donaire noong Agosto 15, 2009 sa pamamagitan ng unanimous decision.
Sa ngayon ay masisinsinang pagsasanay ang ginagawa na ni Donaire sa California sa ilalim ng pagsusuri ng kanyang Filipino trainer at two-time world champion na si Dodie Boy Peñalosa.
Ang labang ito ay undercard naman sa WBO featherweight title fight sa pagitan ni Filipino challenger Bernabe Concepcion laban sa kampeon na si Juan Manuel Lopez.