MANILA, Philippines - Nagpakita ng tikas ng paglalaro si Roberto Gomez upang maibandera ang kampanya ng Pilipinas sa group elimination sa 2010 Party Poker World Pool Masters na nilalaro sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas , Nevada.
Si Gomez na tinaguriang “Superman” at naglalaro para sa Bugsy Promotions ang unang Pinoy na nakapasok sa knockout stage nang makaabante buhat sa winner’s group.
Naglaro sa Group 2, unang kinalos ni Gomez si Earl Strickland ng US , 9-5, bago isinunod si Huidje See ng Netherlands , 9-8.
Hindi naman pinalad na manalo ang iba pang bigating cue artist ng bansa tulad nina Efren “Bata” Reyes, Francisco Bustamante at Ronato Alcano nang mapatalsik ang mga ito sa torneo.
Si Reyes ay yumukod kay Thorsten Hohmann ng Germany, 6-9, at tuluyang namaalam sa isa pang 6-9 kabiguan kay World 9-ball champion Daryl Peach ng Great Britain sa Group 3.
Sina Bustamante at Alcano ay naglaro naman sa Group 4 at natalo agad sa unang laro kontra kina Do Hoang Quang ng Vietnam (8-9) at Tler Edey ng Canada (4-9) ayon sa pagkakasunod.
Si Bustamante ay nangibabaw kay Alcano, 9-6, sa losers bracket pero hindi napanatili ang tibay ng paglalaro nang bumagsak ito kay Oliver Ortmann ng Germany , 3-9.
Bubuksan naman nina Dennis Orcollo at Lee Van Corteza ang kampanya sa torneong magbibigay ng $20,000 unang gantimpala buhat sa kabuuang $100,000 premyo.
Sa Group 5 lalaro si Orcollo at unang laban kontra kay Shaun Wilkie ng USA habang si Corteza ay magbubukas aksyon kontra kay Carlos Cabello ng Spain sa Group 6.