MANILA, Philippines - Anim na rounds lamang ang itatagal ni Ricardo Nunez sa kamay ni Drian “Gintong Kamao” Francisco.
Ito ang kumpiyansang pahayag ng 27 anyos na si Francisco sa pakikipagbasagan niya ng mukha kay Panamian boxer na si Nunez sa Sabado sa Ynares Sports Center sa Pasig City.
“Mahusay siya at pareho kaming knockout artist. Pero naniniwala akong mananalo ako sa kanya at sisikapin kong tapusin ang laban sa loob ng anim na rounds. Handa rin akong umabot ang laban sa 12 rounds at ako ang mananalo,” wika ni Francisco nang dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kahapon kasama ang manager at Save By The Bell promoter na si Ed Anuran.
Ang laban ay isang WBA super fly-weight title eliminator at mangangahulugan ito na ang magwawagi sa pagitan nina Nunez at Francisco ay magiging mandatory challenger sa kampeon ng dibisyon.
Kasalukuyang hawak ni Nobuo Nashira ng Japan ang titulo pero isusugal niya ito laban kay Hugo Cazares sa Mayo 8 sa Osaka, Japan.
Umabot na sa 200 rounds ang sparring ni Francisco at tiwala siyang sapat ang kanyang bilis at lakas para hiyain ang bisitang katunggali.
Si Nunez na may isang talo lamang sa 18 laban ay dumating na rin ng bansa noong Biyernes upang mapaghandaan pa ang nasabing sagupaan.
Si Francisco ay mayroong 18 panalo at isang tabla at papasok sa laban galing sa kahanga-hangang 10th round TKO tagumpay kontra kay Roberto Vasquez ng Mexico noong nakaraang Oktubre.