P8-milyong pondo ibibigay ng PSC para sa training ng RP pugs sa Asiad

MANILA, Philippines – Halagang P8 milyong piso ang magiging pondo ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) mula sa Philippine Sports Commission (PSC) para sa kanilang ga­gawing paghahanda para sa Guangzhou China Asian Games.

Nagpulong sina PSC chairman Harry Angping at ABAP president Ricky Vargas noong nakaraang Miyerkules at ipinakita ni Vargas ang kanilang plano at ang pool ng manlalaro na tinugunan naman ni Ang­ping ng pagpapalabas ng pondo na ang ABAP na ang mamamahala.

Sa P8 milyong budyet, anim na milyon lamang ang mahahawakang pera ng ABAP dahil ang dala­wang milyon ay ang ha­laga ng pagkain na ipag­kakaloob ng PSC ha­bang ang kanilang mga boksingero ay nagsasa­nay sa training camp sa Ba­guio City.

Natuwa si Angping sa klarong programa ng ABAP na suportado rin ng Smart-PLDT na pag-aari ng ABAP chairman na si Manuel V. Pangilinan.

Maging ang ginawang pagpaparetiro kay Harry Tanamor ay sinaluduhan ni Angping dahil ang gawaing ito ay bihirang makita sa hanay ng mga NSAs.

Sa pag-uusap nina Angping at Vargas, parehong naniwala ang dalawang sports officials na ang boxing team ay may kapasidad na magpasok ng hanggang tatlong gintong medalya sa Asian Games.

Inaasahang ma­ngu­ngu­na naman sa kampan­ya ng RP boxers sa 16th Asian Games ay sina Char­ly Suarez at Annie Al­bania na parehong umani ng gintong medalya sa nagdaang Laos SEA Games. - Angeline Tan

Show comments