MANILA, Philippines - Maging pisikal man ang kanilang laro ng Ironmen ni coach Lawrence Chongson, mas kinatatakutan ni mentor Ato Agustin ang freethrow shooting ng kanyang mga 25ers.
Sa 89-81 tagumpay ng Excelroof sa Cobra Energy Drink noong Sabado, may masamang 10-of-33 clip ang koponan ni Agustin.
“That’s one aspect that we have to improve. We have no problem if our knockout game would be a physical one since my boys are already used to it,” sabi ni Agustin.
Nakatakdang pag-agawan ng 25ers at Ironmen ang ikalawang finals berth ngayong alas-3 ng hapon sa kanilang ‘sudden-death’ para sa 2010 PBL PG Flex Erase Placenta Cup sa San Juan City gym.
Makakaharap ng naghihintay na Pharex B Complex ang sinumang mananaig sa pagitan ng Cobra at Excelroof para sa best-of-three championship series.
Parehong nagkaroon ng ‘twice-to-beat’ advantage ang No. 1 Fighting Maroons at No. 2 Ironmen sa Final Four kontra sa No. 4 Cossack Blue Spi-rits at No. 3 25ers, ayon sa pagkakasunod.
Para muling talunin ang Cobra ni Chongson, pinanood ni Agustin ang tape ng kanilang panalo noong Sabado.
Nauna nang iginupo ng Ironmen ang 25ers, 66-65, sa kanilang unang paghaharap sa elims.
Sina Jimbo Aquino, Calvin Abueva, Ronald Pascual, Pamboy Raymundo at Ian Saranggay ang muling ibabandera ng Excelroof para pigilan ang Cobra. (RCadayona)