Gold medalists sa Laos SEAG, 'di pa siguradong kasama sa Guangzhou Asian Games - Loretizo

MANILA, Philippines - Hindi lahat ng atletang nag-uwi ng 38 gold medals mula sa nakaraang 25th Southeast Asian Games sa Laos ay awtomatiko nang makakalaro sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.

Ito ang paglilinaw kahapon ni Philippine Sports Commissio­ner Eric Loretizo kaugnay sa magiging komposisyon ng de­le­gasyon para sa 2010 Guangzhou Asiad.

“Siyempre, iba naman ‘yung level of competition sa Asian Ga­mes as compared to the Southeast Asian Games,” wika ni Loretizo. “We are now looking at the past performances of these athletes kung sino sa kanila ang puwedeng makapasa sa criteria.”

Kasalukuyan na ring binabalangkas ng Philippine Olympic Committee (POC) ang ga­gamiting kriterya para sa pagsasala sa mga atletang ilalahok sa 2010 Asian Games.

“Definitely, hindi naman ka­mi ang gagawa ng criteria kundi ang POC. We are just looking at the performances of our athletes in the last two editions of the Asian Games in Busan, Korea and in Doha, Qatar,” dag­dag ni Loretizo.

Sa 2009 Laos SEA Games, nag-uwi ang Team Philippines ng kabuuang 38 gold, 39 silver at 51 bronze medals.   

Tumapos ang delegasyon bilang fifth-placer sa Laos matapos bumagsak sa pagiging sixth-placer sa Nakhon Ratchasima, Thailand noong 2007 sapul nang maging overall cham­pion noong 2005 Philippine SEA Games.

Noong 2006 Asian Games sa Doha, Qatar, nag-uwi ang delegasyon ng kabuuang apat na gold, 6 anim na silver at si­yam na bronze medal upang tu­mapos bilang pang 18th.

Ang apat na gintong medal­ya ay nagmula kina boxers Joan Tipon at Violito Payla, wu­shu artist Rene Catalan at bil­liards master Antonio “Gaga” Gabica. Humigit-kumulang sa 50 national athletes lamang ang naunang sinabi ni PSC chairman Harry Angping na kanilang susuportahan para sa 2010 Guangzhou Asiad. (RC)

Show comments