Umaatikabong bakbakan sa PBA wildcard phase

MANILA, Philippines - Kung may dapat mang abangan ang mga basketball fans sa wildcard phase, ito ay ang salpukan ng mga Whoppers at Tigers.

Sa kalagitnaan ng se­cond round, dinala ng Burger King sina shooting guard Gary David at point guard Chico Lanete sa Coca-Cola para makuha sina Fil-Am guard Alex Cabagnot at forward Wesley Gonzales.

Ayon kay coach Yeng Guiao, ito ang hihila ng in­teres ng mga basketball afficionados.

“The Burger King-Coke battle is very interesting. We hot involved in a trade deal that have made both teams better,” sabi ni Guiao. “The game will involve a lot of pride.”

Nakatakdang maglaban ang No. 8 Whoppers at ang No. 7 Tigers nga­yong alas-6:30 ng gabi matapos ang banggaan ng No. 6 Sta. Lucia Realtors at No. 9 Rain or Shine Elasto Painters sa 2009-20­10 PBA Philippine Cup sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Kapwa nanggaling sa malalaking panalo ang Burger King ni Guiao at ang Coke ni Bo Perasol bago ang kanilang salpukan.  

Tinalo ng Whoppers ang No. 1 Alaska Aces, 87-80, noong nakaraang Miyerkules, samantalang sinagpang naman ng Tigers ang talsik nang Barako Bull Energy Boosters, 91-89, mula sa isang turnaround jumper ni Fil-Tongan Asi Taulava sa huling 1.8 segundo.

Nasa isang three-game winning streak ngayon ang Coke. (RCadayona)

Show comments