MANILA, Philippines - Nakatanggap ng magandang regalo ang Purefoods sa araw ng Pasko.
Ito ay ang panalong nagbigay sa kanila ng pag-asa sa top-two na mabibiyayaan ng awtomatikong semifinal slot sa pagtatapos ng eliminations.
Napigilan ng Purefoods ang paghahabol ng Burger King at sumandal kay Kerby Raymundo sa endgame tungo sa 85-74 panalo laban sa Whoppers sa Christmas day special ng KFC PBA Philippine Cup kahapon sa Cuneta Astrodome.
Nakabangon ang TJ Giants sa dalawang sunod na talo na nag-ahon sa kanila sa 9-6 record para masolo ang fourth place sa likod ng leader na Alaska (11-2), San Miguel Beer (12-3) at Talk N Text (10-5).
“We always want to aim high,” pahayag ni Purefoods coach Ryan Gregorio. “Two outright slots, so if we miss it, we will still be in the top five. The focus is still top two, and if we’re short, the top five is not bad.”
Nagposte ang Purefoods ng 15-puntos na kalamangan, 70-55 sa kaagahan ng fourth quarter ngunit nakalapit ang Burger King sa 68-70 matapos ang 13-0 run sa pangunguna nina Richard Yee at Gary David.
Pinagana ng Purefoods ang kanilang depensa upang limitahan ang Burger King sa anim na puntos kasabay ng paghakot ng 13-puntos sa pangunguna ni Raymundo na kumana ng anim na puntos sa kanyang tinapos na 19 sa yugtong ito, upang iselyo ang tagumpay.
“Coming into the game, we knew we couldn’t challenge Burger King to a shootout. We needed to buckle down on defense,” ani Gregorio.
Nalasap ng Burger King ang ika-10 talo sa 15-laro at kailangan nilang ipanalo ang huling tatlong laban para makakuha ng awtomatikong quarterfinal slot na ipagkakaloob sa no. 3, 4, 5 teams at makaiwas sa no. 6, 7, 8, 9 spots na dadaan sa wild card phase.
Kahapon ang huling laro ng PBA para sa taong 2009 bago magpahinga ng 10-araw para sa Christmas break at magbabalik aksiyon sa Enero 6 sa Araneta Coliseum.
Naglalaban pa ang Ginebra (8-6) at Coca-Cola (3-11) habang sinusulat ang balitang ito.