MANILA, Philippines - Maagang humataw ang Purefoods upang magposte ng 21-puntos na kalamangan na hinayaan lamang nilang maubos sa ikaapat na quarter.
Mabuti na lamang at gumana ang depensa ng TJ Giants sa huling bahagi ng labanan upang mapreserba ang panalo, 70-66 kontra sa magiting na nakipaglabang Barako Bull sa pag-usad ng KFC PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum kagabi.
Nanguna si James Yap para sa Purefoods sa pagkamada ng 18-puntos, walo nito sa ikaapat na quarter para sa kanilang ikaapat na sunod na panalo na nagkaloob sa kanila ng solong ikatlong puwesto taglay ang 8-4 kartada.
Matapos humataw sa unang quarter na kanilang tinapos sa 21-9 kalamangan, lumayo ang Purefoods sa 32-11 sa kasagahan ng ikalawang quarter.
Ngunit unti-unting nagbangon ang Barako Bulls na nagawang itabla ang iskor sa 61-all sa ikaapat na quarter sa tres ni Jojo Duncil 5:47 ang oras. (MB)