Dahil sa nais makatulong sa pamilya, Martes ipinagpalit ang puwesto sa National Team sa Milo Marathon
MANILA, Philippines - Nang wala nang maisip na mahihingan ng tulong para sa pamil-yang nanganganib sa La Trinidad, Benguet, mas minabuti ni Cristabel Martes na ipagpalit ang kanyang puwesto sa national team para sa premyong P75,000 sa 33rd MILO National Finals.
Naglista ang national mainstay na si Martes ng tiyempong 03:01:20 upang pagreynahan ang nasabing taunang 42-kilometer marathon kahapon sa Quirino Grandstand sa Luneta Park.
Halos isang buwan bago ang Milo National Finals ay pinaikot na ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) ang isang memorandum para sa mga miyembro ng national team para sa darating na 25th Southeast Asian Games sa Laos.
"May memo ang association namin na kapag tumakbo ka sa more than 10 kilometer race, automatic tanggal ka na sa national team," nangingilid ang mga luhang pagbubunyag ni Martes. "Parang ang gusto ng PATAFA all out kami for the gold medal sa SEA Games."
Ayon sa single mom na si Martes, wala siyang magagawa kundi ang piliting manalo sa MILO National Finals para sa kanyang pamilya sa La Trinidad, Benguet na malubhang sinalanta ng bagyong si "Pepeng".
"Kailangan ko talagang tumakbo and at the same time manalo kasi wala na akong magagawa dahil hindi ko pa alam ang nangyari sa pamilya ko sa La Trinidad (Benguet), kung may pagkain sila doon, kung may panggastos sila," sabi ni Martes, nagreyna sa MILO National Finals noong 1999, 2000 at 2001.
Si Martes sana ang magiging pambato ng PATAFA sa marathon event ng 25th Laos SEA Games sa Disyembre bukod pa kay Jho-Ann Banayag.
"Hanggang ngayon wala pa akong contact sa pamilya ko sa La Trinidad, kaya ipinagdadasal ko na safe sila doon," wika ni Martes, umangkin sa gold medal ng 2005 Philippine SEA Games. "Malaki ang maitutulong nitong premyo ko sa pamilya ko."
Tuluyan nang iniwanan ni Martes ang kanyang grupo sa huling limang kilometro simula sa Buendia para talunin ang sumegundang si Grace delos Santos (03:14:20) at ang tumerserang si Mischelle Gilbuena (03:16:20) at ibulsa ang premyong P75,000.
Kagaya ni Martes, inaasahan na rin ni Cresenciano Sabal na matatanggal siya sa national team makaraang dominahin ang men's 42-K race sa oras na 02:32:56 kasunod sina Eric Panique (02:37:53) at Mendel Lopez (02:35:41).
"Bahala na kung ano mangyayari," sabi ng 30-anyos na si Sabal. "Basta ako, gusto ko lang may presence ang Philippine Army dito sa MILO National Finals." (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending